Abante Tonite Interactive

Piyesta sa ‘pork’

229

Limang senador ang kumontra sa pinagsanib na committee report ng Kamara at Senado para maaprubahan ang P3.8 trilyong national budget ng 2019.

Dahil tadtad daw ng ‘pork’ ng mga mambabatas ang budget. Si Sen. Panfilo Lacson ang unang nagbunyag ng ‘cholesterol-rich’ 2019 national budget.

Sa pinagsanib na report nina Sen. Loren Legarda at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., nagkasundo ang dalawa na lumikha na lang ng ‘P75 bilyong fun­ding pool’ para matustusan ang mga proyekto ng mga senador at kongresista.

Mismong si Senate minority leader Franklin Drilon ang humaharang sa kasunduang ‘funding pool’ ng Senado at Kamara, lalo na nang ihayag ni Rep. Andaya na P70 bilyon ng pondong ito ay mapupunta sa Senado at papartehin nang tig-P3 bilyon kada senador. Samantalang tig-P160 milyon naman daw ang bawat kongresista na 292 ang bilang.

Ang lalaki ng pera nila! Saan ba at paano nila ‘yan gagastusin? Tinanggal na ‘yan at dineklara ng Korte Suprema na iligal at unconstitutional noong panahon ng administrasyong Aquino, ba’t bumabalik na naman?

Inawat na noon ‘yan kasi gatasan nga ng mga mambabatas at grabeng kurakutan lang ang nangyari.

Dito lang ba sa mga ‘pork’ ng mga senador at kongresista mapupunta ang pinadugong TRAIN na halos ikakuba sa hirap ng publiko?