Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Piyon ng DPWH

0 430

Iyong dating iniisip natin na milagro lang ang makapagsasabi kung mangyayari ang Golden Age of Infrastructure na binanggit ni Pangulong Duterte sa pagsisimula ng kanyang termino ay nagkaroon ng katotohanan.

Hindi na rin pala kailangan ng magic wand para makita nating mapapaluwag ang halimaw na traffic ng Edsa na kumain ng maraming oras ng mga mamamayan at nag-aksaya ng malaking parte ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa pag-aaral ng NEDA, aabot sa P3.5 billion ang daily loses sa Metro Manila traffic congestion bago pa mag-pandemic.

Salamat sa Skyway Stage 3 at sa maraming bagong kalsada, tulay na siyang nag-alis ng mga baradong major roads sa National Capital Region dahil mas tumaas na ang productivity ng maraming manggagawa.

Nang italaga si Congressman Mark Villar bilang bagong DPWH Secretary, maraming nagtaasan ng kilay dahil hindi naman siya engineer or hindi rin daw bihasa sa construction. Idagdag mo pa ang mga tamang hinala na wala itong magagawa bilang kalihim dahil masyadong bata para sa DPWH kumpara sa mga katulad nila Estuar, Vigilar, Ebdane at Singson na mga super seniors na.

Pero pagkatapos ng limang taon, humugis na ang sinasabing Golden Age ng pagawaing bayan. Nilunok ng mga paranoid ang kanilang mga sinabi laban sa 43 years old at walang karanasang si Mark Villar.

Ang dating problematic right of way kaya na-delay nang husto ang Skyway na NLEX at SLEX connectors ay nalutas ni Villar. Nakita ang hands on management ni Villar dahil kung saan may naghahalo ng semento ay naroon siya! Parang piyon sa construction site.

Nawala na iyong usual Secretary na office-bahay ang ruta dahil iyong inalaska nating bata at walang magagawa ay tumambay na sa mga proyektong ginagawa para matiyak na matatapos on time.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Maraming nakahanay na big impact project ang DPWH na bubuksan ngayon taon na sakto sa pagbabalik sa normal ng bansa sa 2022. Ang Pantaleon bridge na mag-uugnay sa Makati Mandaluyong ay malapit nang matapos, ang Intramuros-Binondo bridge ay patapos na rin, ang Lawton bridge na magdudugtong sa BGC business district at vibrant Ortigas ay posible na ring magamit sa pagtatapos ng taon.

Ang north bound Skyway entry kung galing SLEX ay nabuksan na rin kaya iyong mga galing Southern province ay hindi na maiipit sa traffic ng Alabang. Pagsampa nila sa Skyway-Alabang, nasa Nlex Balintawak na sila sa loob lang ng 30 minutes na dating 4 hanggang 5 oras na biyahe depende pa sa traffic.

Sa buong bansa, maraming mga DPWH projects ang patapos na rin at magbibigay ng ginhawa sa biyahe mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Kumbaga sa poker, itinaas ng Mark Villar leadership ang ante sa pagiging kalihim ng DPWH. Mahihirapan ang mga susunod na administrasyon na humanap ng kalihim na kayang tumaas sa estrelya sa balikat ni Mark dahil para itong si “kuracha”, ang lalaking walang pahinga.

Kung magkakaroon din lang ng “armchair” Public Works secretary na susunod kay Mark, mabuti pang ipako na natin sa departamento ang batang Villar at huwag na nating paalisin sa puwesto.

Pero sabi nga, panahon lang makapagsasabi kung mananatili si Mark sa DPWH o mas gugustuhin na lang nitong maging barista sa Coffee Project ng bilyunaryong tatay niyang si Manny.

Sayang naman ang talent at integridad ni Mark kung hindi natin siya makikitang maihanay sa mga Presidential timber na naglulutangan ngayon.

Kunsabagay, kung ayaw niyang tumakbong Pangulo, kuntento naman siguro siyang maging Presidente na lang ng Vista Land para walang sakit ng ulo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.