Abante Tonite Interactive

Planong ATM fee hike, dagdag pahirap kay Juan dela Cruz

356

FOR THE RECORD
Aileen Taliping

Hindi pa man naipa­tutupad ay marami na agad ang umaangal sa plano ng mga bangko na itaas ang singil sa bawat transaksiyon sa kanilang mga Automated Teller Machine (ATM).

Sa umpukan ng mga ordinaryong manggagawa at maging mga empleyado ng gobyerno ay halos nagkakaisa ng hinaing na dagdag parusa para sa kanila ang planong pagtaas sa singil sa bawat transaksiyon sa ATM machines.
Dalawang beses o higit pa sa isang buwan kung mag-withdraw ang mga mangggawa sa mga ATM machine at hindi maiwasang mabawasan ang laman ng kanilang account.

Batay sa plano ng mga bangko, nais nilang itaas ng P30 ang singil sa bawat interbank withdrawal mula sa dating sampu hanggang kinse pesos. Nanatili naman sa dalawang piso ang singil sa sa bawat interbank inquiry.

Sabihin mang 30 pesos lang ito, pero para sa mga maliliit na manggagawa, may kapupuntahan na ang trenta pesos para malamnan ang kuma­kalam na sikmura.

Isipin na lamang kung magkano ang kikitain ng mga bangko sakaling matuloy ang implementasyon nito dahil tiyak na magiging tiba-tiba ang kaha de yero ng mga ito.

Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 58 million ATM card hol­ders sa bansa kayat isipin na lamang kung gaano kalaki ang magiging kita ng mga bangko sa P30 na singil sa bawat transaksiyon ng mga may ATM card.

Mayroong 4.1 mil­yong Pilipino na sumasahod lamang ng minimum at malaking kabawasan na para sa kanila ang P30 kada ATM transaction kapag sa ibang bangko nila winithdraw ang kanilang sahod.

Ilang mambabatas agad ang nagpahayag ng pag-aalala sa posibleng maging epekto sa mga arawang manggagawa ang planong ito ng mga bangko at naniniwalang ito ay malinaw na monopolyo sa network ng mga bangko sa bansa.

Ang planong pagtataas sa singil sa interbank withdrawal ay matapos alisin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang moratorium sa ATM fees nitong Hulyo, at tila ba sabik na sabik ang mga ito na makapagkamal agad ng malaking kita.

Pero bago ito magawa ng mga bangko, kailangan munang magpaalam ang Ban­kers Associaton of the Philippines sa BSP at ilatag kung makatwiran ba ang planong pagtataas batay sa gastos at maintenance ng mga ito sa kanilang ATM machines.

Ang dalangin ng maraming ordinaryong manggagawa, sana ay hindi ito maipatupad o kung hindi man, sana ay minimal lang ang itataas at hindi doble gaya ng plano na tila ba gusto agad magkamal ng malaking kita ang mga ito mula sa kanilang pinaghihirapan kada buwan.