Abante Tonite Interactive

Plant box sa EDSA, alkansiya ng mga kotongerong traffic enforcer

394

Nabuking ang pangongotong ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos makita ang mga lukot na P20 at mga barya sa isang plant box sa harap ng Star Mall sa EDSA, Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City, kamakalawa.

Sa report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Rodrigo Maghanoy y Briones, 47, MMDA traffic enforcer matapos arestuhin ni PSSg. Joselito Capito, Mandaluyong Police dahil sa kasong paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at RA 3019 Anti-Graft and Corruption Practices Act.
Naganap ang insidente alas-8:20 Miyerkoles ng gabi sa harap ng EDSA sa Star Mall kung saan napansin ni Capito ang pagdami ng mga pasahero at pagharang ng mga sunod-sunod na bus.

Kabilang pa sa napansin ni Capito ang isa-isang pagbaba ng mga konduktor at naghuhulog ng pera sa isang plant box kaya minanmanan niya ang mga naghuhulog ng pera at kung sino ang kukuha ng pera.

Hanggang sa lumapit ang suspek at kinolekta na ang mga perang hinulog ng mga konduktor ng bus na nagdulot ng matinding traffic sa EDSA.

Nakumpiska sa suspek ang 13 piraso ng bente pesos. (Vick Aquino)