Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Plantitos at plantitas

0 191

Dahil sa mahigit anim na buwan ng community quarantine sa bansa ay maraming mga bagong nakahiligan ng mga Pilipino para malibang at may mapagtuunan ng pansin dahil sa sobrang pagkabagot sa panahon ng quarantine.

Isa na rito ang pagkahilig sa pagtatanim ng mga halaman kung saan nagpapaligsahan sa social media ang netizens sa pagpo-post ng kanilang mga tanim, at ang iba ay gumagastos pa para pagandahin ang mga ito.

Dito naman nakakita ng pagkakataon ang mga madiskarteng Pinoy at ginawang negosyo at bagong pagkakitaan ang mga tanim na halaman.

Noong wala pang COVID pandemic ay hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ang mga halamang hindi namumulaklak pero ngayon ay nabaligtad ang sitwasyon dahil mas pinag-iinteresan na ngayon ang mga ito dahil mahal ang presyo kapag ibinenta.

Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang halamag tinawag na “snake plant” ay magiging bida ngayon samantalang sa mga probinsiya ay hindi pinapansin ang mga ito sa mga bakuran.

Pati ang tinatawag na caladium plant o gabi gabi dahil ang dahon ay korteng gabi ay kinahihumalingan ng mga plantitos at plantitas.

Ang terminong “plantito at plantita” ay ngayon lamang lumutang sa panahon ng lockdown dahil naituon sa paghahalaman ang marami sa mga naapektuhan ng lockdown.

Pati ang wild gabi na may napakalaking dahon ay pinag-interesan na din mga nahihilig sa paghahalaman, gayong sa probinsiya ay hindi ito pinapansin, at ginagamit lamang itong panangga sa ulan kapag naabutan sa daan dahil makikita ang mga ito kahit saan.

Wala namang masama kung nahihilig sa paghahalaman ang ating mga kababayan, bagkus nakakatulong pa nga ito dahil nalilibang at nawawala ang stress habang may COVID pandemic.

Ang hindi lang po magandang epekto, natuto ang ilang mga plantito at plantita na mang-umit, o puwede na ring tawaging magnakaw ng sanga ng isang halamang nagustuhan. Suwerte kung walang nakakita sa ginawa dahil kapag nahuli, mapapahiya ang mga ito.

Kaya naman ang iba’t ibang public park ngayon ay bantay-sarado dahil baka pati mga halamang tanim ay umitin nina plantito at plantita .

Mag-ingat lang kapag napadpad sa Baguio City kung saan magaganda ang halaman sa kanilang botanical garden at maging sa Burnham park dahil kapag nahuling nangunguha ng nagnanakaw ng halaman ay may katapat itong multang limang libong piso at limamg araw na pagkakulong.

Leave A Reply

Your email address will not be published.