Abante Tonite Interactive

Plastic ban napapanahon na

0 138

Marami ang nabuhayan lalo na ang mga environmental group matapos ihayag ng Malacañang ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang paggamit ng plastic dahil sa epekto nito sa kalikasan.

Pero hindi ito basta-basta maipatutupad dahil kailangan ang batas para masigurong susundin ito ng publiko.

Hindi na bago ang ideya sa plastic ban dahil ginagawa na ito ng ilang mga bayan sa bansa, pero dahil walang batas na nagtatakda ng parusa, marami pa ring mga Pinoy ang pasaway sa paggamit nito.

Hindi naman lingid sa mga tao ang ­epekto ng paggamit ng plastic, ­dahil bukod sa ­nasisirang kalikasan, pati mga ­yamang ­dagat ay nadadamay sa kapabayaan ng mga tao.

Maraming video sa internet ang nagpapakita kung paano napipinsala ang mga lamang-dagat na nakakakain ng plastic o kaya naman ay napupuluputan ng mga ­bagay na gawa sa plastic kaya panahon na para itama ang mga kamaliang ito.

Sa huling cabinet meeting na ipinatawag ni Pangulong Duterte sa Malacañang ay isa sa mga tinalakay ang ­epekto ng climate change, at isa sa mga nakakasira sa kalikasan ay ang paggamit ng plastic.

Bago isinailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay ay nakakadismaya ang tanawin kapag namamasyal sa Baywalk sa Roxas ­Boulevard dahil sa mga basurang itinatapon sa dagat.

Tone-toneladang basura na ang nahakot sa Manila Bay at karamihan sa mga basurang ito ay gawa sa plastic. Nasalaula ang dagat dahil sa pagiging ire­ponsable ng mga tao sa paggamit ng plastic.

Pero hindi basta-basta maipatupad ang plastic ban hangga’t walang batas na ­magtatakda nito.

Kailangan may ­ngi­pin ang batas para parusahan at panagutin ang mga ­nagtatapon ng plastic sa kung saan-saan matapos itong gamitin.

Sa mga palengke, iilan lamang na mga lugar sa bansa ang ­hindi na gumagamit ng supot na plastic pero mayroon pa ring mga patagong sumusuway nito dahil nakasanayan na ang paggamit nito.

Nasa Kongreso na ngayon ang bola kung susuportahan ang kagustuhan ng Presidente para sa kabutihan na rin mg mga Pilipino.

Sa ilang lugar sa ­Visayas at Mindanao, dahon ng saging ang ginagamit nang pambalot sa mga paninda sa palengke, ang iba naman ay ginagawang sapin sa pagkain na mas mainam at ligtas gamitin dahil walang halong kemikal, kum­para sa plastic na kung ano-anong kemikal ang ginamit.

Kapag bumara sa mga kanal at lagusan ng tubig ang plastic, ang mga tao rin ang napipinsala dahil ­nagiging dahilan ito ng baha na ang resulta ay perwisyo sa mamamayan.

Hindi na kailangang hintayin pa ang batas para itigil ang paggamit ng plastic, dapat magkusa na ang mga Pilipino, gamitin ang common sense at malasakit sa komunidad at kapaligiran para hindi singilin ng kalikasan pagdating ng panahon.