Abante Tonite Interactive

Playoff career-high 47 ni Curry kapos pa rin

351

Lahat ng puwedeng gawin, ginawa na ni Stephen Curry para bitbitin ang tadtad ng injury na Golden State Warriors.

Pero kinulang pa rin.

Bawat bato ni Curry sa kanyang home court, may sagot sina Kawhi Leonard, Kyle Lowry, Danny Green, Pascal Siakam, Marc Gasol at Fred VanVleet.

Nailagaan ng Toronto Raptors ang lead sa fourth para ipreserba ang 123-109 win sa Game 3 Martes nang gabi.

Umiskor si Curry ng playoff career-high 47 points, 14 of 31 overall mula sa field, 6 for 14 sa 3-pointers at 13 of 14 sa stripe. May sahog pa siyang 8 rebounds at 7 assists.

Ang 47 ni Curry ang second-most ng isang player na natalo sa isang finals game. Sa Oracle Arena floor din ng Game 1 noong isang taon, umiskor ng 51 si LeBron James para sa Cleveland. Winalis ng Golden State ang Cavaliers sa series na ‘yun.

Ininda ng Warriors ang pagkawala nina star-ters Kevin Durant at Klay Thompson, gayundin si key big man Kevon Looney (collarbone).

Hindi naglaro si Thompson na may iniinda pang strained left hamstring, sa pang-walong sunod na laro ay wala si Durant dahil ‘di pa nakakarekober mula calf injury.

Game 4 ng series sa Sabado (araw sa Manila), hindi na kataka-taka kung isingit sa starting lineup sina Durant at Thompson. Kailangan sila ng Warriors na naiiwan sa series 2-1.

Iginuhit ni Curry ang unang limang field goals ng Golden State. May 25 points at 8 rebounds na siya sa halftime – first time sa kanyang 803-game career na nagsumite ng ganitong stat sa first 24 minutes ng laro. Sa kalagitnaan ng third quarter, na-outscore na niya ang pinagsama-samang score ng teammates. (VE)