Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PLDT-MVP, Converge damay sa sablay

0 150

Pinasisilip ng isang kongresista ang posibleng paglabag sa batas ng PLDT ni Manuel V. Pangilinan at ng isa pang internet service provider (ISP) na Converge ICT.

Nag-ugat ito sa tila VIP (very important person) na pagtrato umano ng PLDT sa aktres na si Liza Soberano matapos na i-tweet nito ang kanyang reklamo hinggil sa mabagal na internet service ng Converge.

Hindi naman sila ang tinukoy na ISP ni Soberano subalit mabilis na umaksyon ang PLDT matapos na kabitan ng 300Mbps internet connection ang aktres.

Hiniling ni Ako Bicol party-list Re. Alfredo Garbin sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa National Telecommunications Commission (NTC) gayundin sa kaukulang local government unit na kusang magsagawa ng imbestigasyon (motu propio probe) dahil sa posibleng paglabag sa batas umano ng PLDT bunsod ng ipinakita nitong hindi patas na pagtrato sa kanilang mga kustomer.

Umani ito negatibong reaksiyon mula sa mga netizen dahil lumilitaw na hindi patas umano ang pagtrato ng PLDT sa mga kustomer nito. Reklamo pa ng mga netizen na kapag kilala o isang celebrity ay kayang bigyan ng PLDT ng mabilis na internet connection.

“Una sa lahat hindi kasalanan ni Liza Soberano. Pero kaya naman pala ng PLDT na magbigay ng 300 Mbps sa customer nito,” ayon kay Garbin.

“Hindi kasalanan ni Liza na pinabilis ng PLDT ang internet connection niya. Bilang kustomer at bilang Pilipino, deserving si Liza sa mabilis at reliable na internet connection. Pero dapat ganun din ang trato ng telcos sa mga kustomer nitong hindi naman celebrity,” paglilinaw pa ni Garbin.

Subalit bukod sa PLDT, pinuna rin ng kongresista ang Converge na dapat rin umanong managot dahil sa mabagal na internet service nito.

“I ask the DTI and the NTC to conduct motu proprio initial investigations on possible violations of our laws and regulations on telecom services, consumer rights, the Civil Code provisions on obligations and contracts, and commercial law,” pahayag ni Garbin.

“Our laws on unfair trade practices may have also been violated, which DTI must investigate,” giit ng kongresista.

Sa panahon umano ngayon na lahat ay nagsisikap na makaagapay sa new normal partikular ang online work and education, dapat maging sensitibo ang PLDT sa paghihirap na nararanasan at kinakaharap ng lahat.

Dagdag pa nito na maaaring may ilang local ordinance at business regulation ang nilabag rin sa LGU level, partikular pagdating sa `equity and equal protection’. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.