Abante Tonite Interactive

PLDT-MVP hotline wasak sa dagsang reklamo sa serbisyo

By
1,026

Umuulan ang reklamo mula sa mga subs­criber ng PLDT na tumatawag sa hotline nitong 171. Ayon sa FB user na Chefdecuisine Corp., 20 minuto siyang pinaghintay bago siya nakausap ng customer service representative.

Masuwerte na siya. Ang ibang tumawag at naghintay na masagot ang ring ay bigla na lang nagugulat nang sa tagal nilang pakinggan ang ring ay bigla na lang makakarinig ng busy tone.

Dahil sa hirap makalusot sa landline, sa Facebook page at Twitter na ng PLDT dumiretso ang marami.

Nagpost ang PLDT Home ng Netflix publicity material sa FB page nito noong Setyembre 7 at umani ito ng 611 comments, na puro reklamo sa serbisyo nito ang laman at sagot ng social media team ng kompanya.

Thumbs down lang ang inilagay ni Lorenzo Sarmiento at umani ito ng 21 likes, laughing face at heart. Sinagot ito ng PLDT Home at umani ang sagot ng pitong angry face, pitong laughing face, isang crying face, at isang thumbs up.

Nagtweet si Rajiv Ancheta sa PLDT Home ng “BAT WALA PARIN KAMING NET” noong Set­yembre 6. Setyembre 9 na siya sinagot nito para sabihan siyang mag-private message.

Nagtweet naman si Teddy Santos sa PLDT Cares tungkol sa kanyang bill noong Setyem­bre 1 at hindi pa rin ito nasasagot ng PLDT Cares noong Setyembre 6. Sabi ni Santos, Set­yembre 11 ang due date niya. Kahapon lang siya sinagot muli ng PLDT Cares na inaayos pa nito ang concern niya.

Si Pierre Tito Galla ng democracy.net.ph, walong araw mahigit nang naghihintay para maiayos ng PLDT Home ang landline niya. Ang sinabi sa kanya ng PLDT, dalawa hanggang tatlong araw daw bago siya puntahan.

Ang democracy.net.ph ay isang non-govern­ment organization na masugid na nagbabantay at naghihintay sa pagpasok ng third major telco player.

Tinanong ng Abante ang PLDT tungkol sa pamantayan ng kompanya sa pagsagot sa hotline nito pero walang tugon ang media division head nitong si Jay-Anne Encarnado.

Ang PLDT ay pag-aari ng binatang bilyonaryo na si Manny V. Pangilinan.