Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Please tanggapin ang aking aplikasyon

0 85

Nitong nakaraang linggo ay naghain ang inyong lingkod ng certificate of candidacy (CoC) para sa pinakamataas na posisyon sa bansa, kasama ang aking runningmate na si Doc Willie Ong.

Pinasasalamatan ko Ang Panginoon, una sa lahat, gayundin ang aking mga mahal na magulang na sina Joaquin and Chayong –tubong Antique at Samar—aking mga kamag-aral, guro, kapwa taga-Tondo at Manilenyo, dahil sa kanilang naging ambag upang marating ko ang pinakamataas na puwesto sa aking local public service career, nang ako ay mahalal bilang alkalde ng Maynila noong 2019. Paritkular ko ding pinasasalamatan ang aking ‘mentor’, si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, ama ng aking katuwang na si Vice Mayor Honey. Siya po angnagtulak sa akin upang higit pang pagbutihin ang aking sarili bilang lingkod-bayan sa pamamagitan ng pagbalik sa pag-aaral na di ko nakumpleto dala ng kahirapan. Aking inihahain ang sa lahat ng Pilipino ang aking ‘application form’ upang maging Pangulo ng bansa bilang bunga ng aking determinasyon na pagbutihin ang sitwasyon ng ating bansa at ang buhay ng mga Pilipino.

Bilang ‘bata’ gaya ng sinasabi ng ilan, handa akong ibuhos ang lahat ng aking kabataan at lakas ng pangangatawan upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

Nais ko ring wakasan ang pagkakawatak-watak na lagi na lamang lumilitaw sa bawat administrasyon at nagiging dahilan ng di pag-usad ng ating ekonomiya, laluna sa gitna ng pandemya.

Ang tangi kong kahilingan sa mga kababayan ko ay hindi lamang pagtitiwala kungdi sana ay piliin din ninyo si Doc Willie bilang aking bise-Presidente at huwag na sana ninyo ako bigyan ng iba pang pangalawang Pangulo.

Hindi maikakaila na kadalasan, kapag ang Presidente at Vice President ay galing sa magkaibang kampo, ang nangyayari ay nag-aaway lamang sila sa kabuuan ng kanilang termino, at mga Pilipino ang siyang nagdurusa.

Naranasan na natin ito nang ilang ulit at alam ko na gaya ko, kayo man ay pagod na sa ganitong uri ng pamumuno.

Napusuan ko bilang kandidato ko sa pagka-bise Presidente ang isang doktor na nang sa gayun ay maituon ko ang aking atensyon sa ibang problema ng bansa, lalo na ukol sa ekonomiya, habang si Doc Willie naman ang bahala sa mga problemang nauukol sa pandemya na tiyak namang naririyan pa rin sa susunod na taon.

Ako ay tunay na umaasa na ang mga Pilipino ay gagawa ng kasaysayan sa susunod na taon, sa pagpili ng isang Presidente at isang Vice President na magkaalyansa sa iisang partido at hindi nabibilang sa magkalabang kampo sa politika.

Ang isang ‘harmonious’ o nagkakaisang samahan sa pagitan ng dalawang pinakamataas na lider, ke national o local government, ay tunay na magiging kapaki-pakinabang para sa mga mamamayan.

Isang maliwanag na halimbawa nito ang nangyari sa Maynila. Dahil kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay umaakto bilang isa, napakarami naming nagawa sa loob lamang ng maikling panahon, hindi naman sa pagbubuhat ng bangko.

Kaya sana, please, ‘wag lamang ako ang piliin ninyo. Piliin na din ninyo ang aking partner sa pagtakbo.

Habang kami sa lungsod ng Maynila ay sobrang abala sa trabaho, gayundin ang mga bayarang ‘trolls’. Pagkatapos na pagkatapos kong maghain ng CoC, binaha kaagad ang social media ng mga post kung saan pinalilitaw na ako ay kaalyado ng NPA (New People’s Army) o kaya ay ‘secret candidate’ daw ako ni President Duterte. Pareho ko itong itinatanggi.

Mapalad ang inyong lingkod na maitalaga ni President Duterte upang lumahok sa peace talks at bilang ‘observer’ ay nakakilala ako ng mga kilalang tao mula sa kaliwa, kabilang na si Joma Sison at gayundin, mula sa military.
Naging abala kaagad ang mga ‘spin master’ at agarang nagpakalat ng mga larawan kung saan naroon ako at si Sison. Pinutol nila ang mga larawang kuha sa mga peace talks na aking dinaluhan, nang sa gayon ang maging kasama ko lamang ay mga taga-CPP-NPA-NDF at ‘yung mga taga-military ay mawala.

Sa totoo lang, bahala sila. Alam kong ako ay Pilipino.Alam ko ding mahal ko ang aking basa at ako ay matagal nang naglilingkod. Palagian din akong nagpa-Panatang Makabayan at nagpapahayag ng katapatan sa watawat tuwing Lunes sa aming flag-raising ceremony sa City Hall. Isang bandila, isang bansa.

Dun sa mga hirap na hirap sa pagbebenta ng ideya na ako ay may kaugnayan sa mga komunista, matakot sana sila sa maaring ibunga ng kanilang mga ginagawa.

Alam ko mahirap ang buhay ngayon at kung gaano kabilis sa mga ‘trolls’ ang pera, patipa-tipa lang sa computer, babayaran na ng pulitiko. Ang mga pulitikong ito na gumagastos upang makapanira ng iba ay nabubuhay sa kasinungalingan at walang gagawing maganda kapag nakuha na nila ang posisyon na puntirya nila.

Isa pang nakatatawa ay ang mga palutang na ako daw ay ‘secret candidate’ ni Duterte. Siguradong naka-droga ang mga nagkakalat ng ganito. Nakatatawa na sa bawat araw ay palala nang palala ang mga tangka na siraan ang inyong lingkor. Padalas na din nang padalas. Para sa akin, ito ay isang positibong pangyayari dahil maliwanag na para sa aking mga katunggali, maganda ang laban namin ni Doc Willie.

Tinitiyak ko sa inyo na kami ay mananaig at lalo kaming palalakasin ng mga paninirang ito. Sa gabay ng Panginoon at suporta ninyong lahat, mangyayari ito.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.