Abante Tonite Interactive

Plebo patay, natagpuan sa PMA pool

0 116

Isa na namang kadete mula sa Philippine Military Academy (PMA) ang naitalang nasawi matapos itong matagpuang patay sa loob mismo ng pinapasukang paaralan nitong Biyernes.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Mario Telan Jr., isang 4th class cadet.

Ang nasabing biktima ay pangatlong kadete na namatay simula Setyembre ngayong taon.

Sa nakalap na report, bago natagpuan ang bangkay ni Telan ay pinagtulungan itong hanapin ng mga upper class cadet bandang ala-1:20 ng hapon kung saan pagpunta nila sa Jurado Hall ay natagpuan ng mga ito ang gamit ng biktima sa CR ng nasabing swimming pool. Ilang sandali pa ay namataan ng mga ito na nasa pool ang walang malay nang biktima ganap na alas-2:44 ng hapon.

Mabilis namang isinugod sa Fort Del Pilar Station Hospital ang kadete ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.

Labis naman ang pagkalungkot ng pamunuan ng PMA sa sinapit ng isa sa kanilang cadet. Kasabay nito ay tiniyak nilang ipagkakaloob ang karampatang tulong at assistance sa naulilang pamilya.

“PMA deeply grieves for this unfortunate loss of one of our sons. All necessary assistance will be extended to the bereaved family and loved ones,” ayon sa statement ng PMA.

Setyembre 18 nang madiskubre ang kontrobersyal na kamatayan ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio, na kaklase ni Telan. Oct 28 naman nang masawi rin si Cadet Second Class Cedrick Gadia bunga ng esophageal cancer.