Abante Tonite Interactive

PLM student patay sa hit-and-run

By
303

Pumanaw na ang lalaking estudyante na kabilang sa tatlong kabataan na nabiktima ng hit-and-run sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila habang naaresto naman ang drayber ng sasakyan na nakasagasa sa kanila kamakalawa ng mada­ling-araw.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit, hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Jeremiah Erwin Tan, 18-anyos, freshman accountancy student sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Nagtamo ito ng ma­tinding pinsala sa ulo at katawan.

May dalawa pang menor de edad na kasama niyang nabangga pero nagtamo lamang ng minor injury kaya pinayagan na ring makauwi matapos malapatan ng first aid.

Nasakote ang suspek na si Victor Kung, 70-an­yos, dahil ilang nakasaksi sa insidente ang nakakuha sa plaka ng kanyang sasakyan na kulay puting Toyota Avanza. Bineripika sa Land Transportation Office (LTO) ang plate number ng sasakyan na TQR 245 at natukoy na nakarehistro ito sa sasakyan ng Sun Fortune Inc. na matatagpuan sa 229 Isabelo Fernando St., Malanday, Valenzuela City.

Nalaman ng mga awtoridad sa mga tauhan ng kompanya na ang naturang sasakyan ay minamaneho ni Kung at doon na rin natuklasan na may flight pala ito nang araw na iyon patungong Hong Kong kung kaya’t agad na siyang pinuntahan ng mga pulis sa NAIA at doon naaresto.

Kakasuhan siya ng reckless imprudence resulting in homicide sa Manila Prosecutor’s Office.