Abante Tonite Interactive

PMA alumni homecoming Bawat bisita sinalang sa COVID-19 screening

233

Naging mahigpit ang Philippine Military Acade­my (PMA) sa mga bisita gayundin sa pamilya ng mga kadete pagpasok pa lamang ng mga ito sa gate ng Fort del Pilar, Baguio City para sa alumni homecoming na ginanap nitong Sabado, ­Pebrero 22.

Kapansin-pansin ang mahigpit na ginagawang safety and security procedure kung saan isa-isang kinukuhanan ng temperatura ang mga pumapasok sa gate gamit ang thermal scanner at pinagsusuot ng face mask ang mga ito.

Matatandaang pagputok ng balita ­hinggil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay ­isinailalim na sa lockdown ang buong Fort del Pilar na siya ring dahilan kung bakit naantala ng isang linggo ang alumni homecoming.

Isinara rin ang kampo sa publiko maging sa mga miyembro ng media para sa kanilang alumni homecoming ngayong taon.

Ayon kay PMA spokesman Capt. Cheryl Tindog, bago pa man ang pagpapatupad ng lockdown sa iba’t ibang lugar sa bansa ay nauna na itong magpatupad ng mga hakbang upang makaiwas sa pagpasok ng COVID-19.

Aniya pa, patuloy din ang ginagawang mga medical precaution ng PMA sa kanilang mga ­kadete at sinisiguro nitong nasa maayos at malusog ang pangangatawan ng mga ito.

Samantala, inamin ni Tindog na kakaunti ang mga dumalong alumni sa homecoming kahapon kumpara sa mga naging attendance ng mga nakaraang pagtitipon na ginagawa kada taon. ­(Edwin Balasa)