Abante Tonite Interactive

PNP ayaw umepal sa UP walkout

252

Muling nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi nila kailanman aalisin ang karapatan ng bawat kabataan na magkilos-protesta at maghayag ng kanilang saloobin

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde sa isinagawang press briefing sa Camp Crame matapos hingan ng reaksyon kasunod ng isinagawang mass walkout ng mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) gayundin sa iba pang SUC’s o state colleges and universities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito’y bilang pagtutol naman sa naging mungkahi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at PNP na papasukin ang kanilang hanay upang pigilan ang ginagawang panghihikayat ng komunistang kilusan sa mga kabataan.

Ayon kay Albayalde, bahagi ng demokrasya ang aktibismo pero ibang usapan na aniya kung magdudulot ito ng anarkiya dahil tiyak na pipigilan nila ito.

Malaya naman ang sinuman na maghayag ng kanilang saloobin at ipatutupad naman nila ang maximum tolerance basta’t huwag lang lalagpas ang mga ito sa limitasyon ng batas tulad na lang ng paninira ng mga kagamitan gayundin ng karahasan.

(Edwin Balasa)