Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PNP hihintayin go signal ng mga LGU sa `COVID tokhang’

0 280

Hihintayin ng Philippine National Police (PNP) na maglabas ng guideline at hilingin sa kanila ng mga local government unit (LGU) para magsagawa ng house-to-house campaign upang matukoy ang may mild symptom at asymptomatic sa COVID-19.

“Hindi po kami ang mangunguna dito. Hindi po kami ang magkukusa, na kakatok sa mga bahay. Maghihintay po kami sa guidance at request ng LGU,” sabi ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa panayam sa radyo nitong Miyerkoles.

“Hindi po namin kabisado kung sino ang mga positive d’yan. Ang dami po naming ibang ginagawa ngayon,” dagdag pa ng heneral.

Kasabay nito, nilinaw pa ni Eleazar na hindi lahat ng COVID positive ay susundin sa kanilang tahanan kundi iyong mga walang sariling kuwarto at palikuran lamang gayundin ang mga nakatira sa isang bahay na may kasamang matatanda at buntis na tinuturing na madaling dapuan ng virus.

“Tutulong lang po kami, ang kapulisan hindi po kami magkukusa kasama namin ang local government at health workers na mag-identify sa mga pasyente na susundo sa kanilang bahay,” ani Eleazar.

Una nang nagdulot ng pangamba mula sa ilang mambabatas ang planong house-to-house para matukoy ang mga may COVID na mistulang pagtokhang umano ang gagawin. (Riz Dominguez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.