Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PNP kinalampag ni Hontiveros:Fontana-Jack Lam prosti den sumambulat

0 309

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Clark Development Corporation (CDC) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark Freeport Zone sa Pampanga kaugnay ng diumano’y Chinese prostitution sa loob ng resort.

Ginawa ni Hontiveros ang panawagan matapos arestuhin ng mga awtoridad ang pitong lalaki at anim na babaeng Chinese, at dalawang babaeng Vietnamese na diumano’y sangkot sa prostitusyon at human trafficking sa loob ng pasilidad sa Clark Freeport Zone.

“Habang nahihirapan tayong mga Pilipino sa COVID-19 pandemic, may mga Chinese prostitution rings naman na patuloy pa rin ang operasyon,” pahayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women.

“Hindi natin dapat hinahayaan na nagiging pugad tayo ng prostitusyon at iba pang krimen,” dagdag nito.

Nais ni Hontiveros na maimbestigahan at makasuhan ang may-ari at ang administrasyon ng nasabing leisure park.

“Hindi ito ang unang beses na may nadiskubreng illegal activity sa loob ng resort,” ayon pa kay Hontiveros.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Noong Mayo 2020, nadiskubre rin sa loob ng Fontana ang umano’y iligal na underground hospital para sa mga tenant at manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

“Bakit parang nagiging pugad ng underground illegal activities itong Fontana?” tanong pa ng senador.

Noong Disyembre 2016, 16 na casino room sa Fontana ang ipinasara ng Bureau of Immigration (BI) matapos madiskubreng may 1,3000 iligal na Chinese worker sa loob ng leisure park.

“Fontana’s license to operate can be suspended and eventually revoked if there’s negligence on their part in making sure that crimes do not thrive within their premises. Responsibilidad nilang siguraduhin na sumusunod sa batas ang mga tenants nila,” ani Hontiveros.

Ngayong taong ito, ibinunyag ni Hontiveros ang ‘pastillas scheme’ sa BI, isang sistema kung saan ang mga Chinese national, na pawang mga manggagawa ng POGO, ay madaling nakakapasok sa bansa sa pamamagitan ng `service fee’.

Nadiskubre rin sa imbestigasyon na nakakadagdag ang POGO industry sa pagtaas ng prostitusyon at human trafficking sa bansa.

Pag-aari ng bilyonaryong si Jack Lam ang Fontana. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.