Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PNP mas abot-kamay ng taumbayan kay Gen Eleazar

0 398

Mas magiging malapit na ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa taumbayan. Mangyayari ito dahil direkta nang makakapagsumbong ang taumbayan kay PNP Chief PGen Guillermo Eleazar sa pamamagitan ng kanyang inilunsad na E-Sumbong: Sumbong Mo, Aksyon Ko.

Hindi pa man nag-iinit ang puwet sa kanyang bagong puwesto bilang PNP Chief, aksyong-aksyon na itong si PGen Eleazar. Nakakatuwa na hindi siya katulad ng ibang naging hepe na tila kumuyakoy lamang sa puwesto. Ibang-iba nga ang approach ni PGen Eleazar: masipag, masigasig, determinado, may dedikasyon sa serbisyo.

Ngayon ipinakikita pa niya na kahit nasa pinakamataas siyang puwesto sa PNP, abot-kamay pa rin siya ng ating mga kababayan. Hindi naman nagbago kailanman si PGen Eleazar pagdating sa attitude niya sa trabaho: patuloy niyang pinatutunayan na siya ang tunay na Pulis ng Pilipino.

Tiyak na matutuwa na naman ang mga mamamayan natin dito sa “E-Sumbong: Sumbong Mo, Aksyon Ko” na ibinase sa matagumpay na NCRPO sumbong system. Sinumang indibidwal ay puwedeng magsumbong. Bawat sumbong na matatanggap ng E-Sumbong ay ibabato agad ng computer system sa kinauukulang region/province at station.

Ang sistemang ito ay may adhikain na mapabilis ang pagrereport ng mga insidente at reklamo ng mga mamamayan at inilunsad ng PNP sa pangunguna ni PGEN Eleazar kamakalawa, Mayo 17, 2021. Bukas 24/7 ang mga hotlines ng E-Sumbong. Sa ganitong paraan, mabilis na maaaksyunan ang bawat impormasyong ipararating ng mamamayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Inaasahang magsisilbing tulay ang E-Sumbong upang agad maaksyunan ng pulisya ang anumang krimen, aksidente at iba pang pangyayari kung saan kinakailangan ang pagresponde ng pulisya. Kung may mga kahina-hinalang tao o grupo sa isang komunidad ay puwedeng E-Sumbong ng taumbayan para maimbestigahan at magawan ng aksyon ng kapulisan.

Mas nakikita kasi ng mga taumbayan ang nangyayari sa kanilang komunidad kaya mas madaling matutunton kung meron na palang itinatayong drug lab o kaya ay sex den sa isang lugar. Mas madaling makaamoy ng ganitong iregularidad ang mga tao sa komunidad.

Higit sa lahat, ang E-Sumbong ay magiging daan din upang maiparating ng taumbayan ang katiwalian at pang-aabuso ng mga pulis. Hindi na nga bagay sa kapita-pitagang uniporme ang tiwaling pulis kaya naman magiging daan ang E-Sumbong para matanggalan ng maskara ang mga bulok sa kanilang hanay. Kaya malamang ngayon pa lang ay nanginginig na ang tumbong ng ilang pulis dahil sa E-Sumbong.

Sabi nga ni PGen Eleazar sa kanyang talumpati, dinoble na ang suweldo ng kapulisan kaya naman ang serbisyo nila ay dapat only the best for the Filipino people. Saludo po kami, PNP Chief PGen Guillermo Eleazar!

Leave A Reply

Your email address will not be published.