Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PNP nasa tamang pagtitimon

0 213

Habang lumilipas ang mga araw, lalo kaming nakukumbinsing nasa mabuting kamay ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pagtitimon ni PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar.

Mula nang maupo bilang PNP Chief tuloy-tuloy ang aksyon ni P/Gen Eleazar at ang pinaka-latest niyang tinutukan ay ang paglulunsad ng Comprehensive Online Recruitment Encrypting System (CORES) na naglalayong mabura ang influence-peddling, ang palakasan sa organisasyon pagdating sa proseso ng recruitment.

Ang CORES ay inilunsad kamakailan sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame, Quezon City kung saan dinaluhan ng mga senior police officials at miyembro ng academe. Sa ilalim ng recruitment scheme na ito, gagamit ang PNP ng QR Code System para tiyakin na nakatago ang identity ng aplikante. Sa ganitong paraan, ibabase lamang sa kuwalipikasyon at kakayahan ng aplikante kung karapat-dapat siyang tanggapin sa kapulisan.

“Gusto na po nating tuldukan ang bulok na sistema ng iilang aplikante na kumakapit sa matataas na opisyal ng PNP para lamang makapasok sa organisasyon. Sa ganitong sistema, may korapsyon na kaagad eh. Iyan ang hindi natin hahayaang makapasok sa ating hanay,” paniniyak ni Eleazar.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa ganitong paraan masasala nang husto kung sino ang mga tunay na karapat-dapat. Lulutang kung sino ang “the best” at hindi na uubra ang padrino system. Wala nang backer-backer.

“We will only accept those police applicants who are most qualified and most deserving. Only the best for the PNP. Walang mukha o pangalang lalabas habang ongoing ang application process at tanging ang credentials niya lamang ang pagbabasehan kung siya ba ay tanggap sa PNP,” pahayag pa ni Eleazar.

Ang QR Code System na gagamitin sa buong application process ng isang aplikante ay kabibilangan ng Body Mass Index, agility test, drug at neuropsychiatric test, at physical, medical pati dental examinations. Kung mangingibabaw sa mga basehang ito ang isang aplikante, walang dahilan para hindi siya matanggap sa organisasyon. Hindi na siya masasapawan ng bata ni yorme, ng inaanak ni kapitan, ng kapitbahay ni major o ng iba pa. Wala nang bata-bata system na napakatagal ding nang-impluwensya sa hanay ng kapulisan.

Sa pamamagitan nito, ang bawat matatanggap na bagong pulis ay walang utang na loob na pagbabayaran sa kung sino mang herodes. Dahil walang padrino na dapat pakisamahan, malayang magagampanan ng isang bagitong pulis ang kanyang sinumpaang tungkulin ayon sa dikta ng kanyang puso, konsensya at pagmamahal sa serbisyo at sa bayan.

Napakagandang simulain ito dahil magkakaroon tayo ng mga bagitong pulis na hindi mahahaluan ng korapsyon at hindi maaabot ng pulitika. Salamat po P/Gen Eleazar. Nakikita naming tapat ang iyong mga adhikain kaya mainit na pagsaludo para sa inyo. Tuloy-tuloy lang po Sir!

Leave A Reply

Your email address will not be published.