Abante Tonite Interactive

PNP official buking sa ₱200K hulidap

0 408

Arestado ang isang opisyal ng pulis matapos kikilan ng hala­gang P50,000 ang isang robbery suspect kapalit ng hindi paghuli dito sa isinagawang entrapment operation ng Phi­lippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) kahapon sa Baguio City.

Kinilala ni Police Col. Romeo Caramat, hepe ng PNP-CITF, ang suspek na si Police Lt. Col Allan Docyogen, hepe ng Intelligence Unit ng Baguio City Police Office.

Ayon kay Caramat, nadakip si Docyogen dakong alas-2:27 nang hapon sa Daddy’s restaurant sa 101 MS Florendo Bldg. Abanao, Brgy. Azco, Baguio City matapos tanggapin ang halagang P50,000 sa complainant na isang robbery suspect.

Nag-ugat ang entrapment operation matapos makatanggap ng tawag ang CITF at inirereklamo si Lt. Col Docyogen na humihingi ng P200,000 sa complainant na mayroong warrant of arrest na galing sa Lucena City Regional Trial Court sa kasong robbery.

Napag-alaman na matapos maaresto ng Criminal Intelligence Unit (CIU) ng Baguio City noong Abril 12 sa pangunguna ni Doc­yogen ay hiningan ang complainant ng hala­gang P200,000 kapalit ng hindi nito pag-aresto sa kanya.

Nakapagbigay ng halagang P47,000 ang complainant at matapos matawaran ng kalahati ay nangako na ibibigay ang kakulangan kahapon Abril 15.

Lingid sa kaalaman ni Docygen ay humingi na ng tulong sa PNP-CITF ang complainant dahilan upang isagawa ang entrapment operation at dakpin ang opis­yal nang tanggapin ang P50,000 marked money. (Edwin Balasa)