PNP, PDEA kakasa sa ICC probe kung may basbas ng Palasyo
Handa ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magbigay ng impormasyon sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. John Bulalacao, kailangan lang na aprobahan ito ng Malacañang at ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“On the part of the PNP, we will (comply), provided there will be an approval from the higher office,” ayon kay Bulalacao.
Binanggit ng PNP official na kailangang masunod ang proseso kung hihingin ng ICC ang tunay na numero hinggil sa anti-narcotics campaign ng gobyerno.
Ayon sa mga ulat, balak ng ICC na ituloy ang imbestigasyon sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng drug war ng gobyerno kahit na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbawi sa ratipikasyon ng Pilipinas sa Rome Statute na siyang lumikha sa ICC.
Nanindigan ang mga opisyal ng Palasyo na walang hurisdiksyon ang international court kay Pangulong Duterte dahil sa gumagana naman ang korte sa bansa.
Ibinabalandra ng human rights group na higit 7,000 na ang napatay sa war on drugs ng administrasyon, pero nanindigan ang PNP at PDEA na 4,075 lang ang napatay na drug personalities as of March 2018.
Sa datos ng gobyerno, nakapagsagawa ng 91,704 anti-drug operations ang PNP at PDEA na nagresulta sa pag-aresto sa 124,648 drug suspects, kabilang na ang 225 empleyado ng gobyerno, 199 halal na opisyal at 45 uniformed personnel.