Abante Tonite Interactive

PNP titino ba kung mawawala ang teleseryeng ‘Ang Probinsyano’?

BROADCASTER’S VIEW

530

Nakakatawa naman ang Department of Inte­rior and Local Government (DILG) na nagbabantang kasuhan ang nasa likod ng prominenteng ‘Ang Probinsiyano’ na pinagbibidahan ni Coco Martin na naunang pinasikat ni yumaong Fernando Poe, Jr.

Ang DILG ang siyang may saklaw sa Philippine National Police (PNP) kabilang ang maaring pagdisiplina sa mga ito.

Sa halip na patulan ng DILG ang teleserye ay tutukan nito ang ugat ng problema sa PNP kung bakit may mga nasasakop sa katiwalian at iba’t ibang krimen.

Ang teleseryeng ‘Ang Probinsiyano’ ay nagbibigay ng kaaliwan sa mga manonood sa telebisyon na napakaraming problema at pansamantalang nakakalimutan ang mga suliranin dahil sa panoorin sa telebisyon.

Nauna dito ay umalma ang PNP at maging ang DILG na nakakasira daw sa mga pulis at lalong pinasasama ng teleserye ang imahe nito.

Alam ba ng DILG at PNP ang katagang kathang-isip? Na ang ibig sabihin nito ay hindi halaw sa tunay na pangyayari bagama’t may pagkakataon na nagtutugma ang iilang pangyayari.

Kung matitigil ba ang teleseryeng ito ay mas magiging matino ba ang buong PNP at walang masasangkot sa katiwalian at krimen?

Matalino ang mga manonood at alam ng mga ito na kathang-isip ang teleserye bagama’t hindi mapipigilan na may pangyayari sa teleserye na kahalintulad sa tunay na bahay.

Tulad sa mga naunang mga teleserye ay sa dakong huli ay magiging bida rin naman ang mga pulis dahil ang ibig sabihin ay mana­naig ang katotohanan at hustisya .

Mas malala pa nga sa mga nakaraang mga pelikula na tuwing papatapos na o sa ending saka umeeksena ang mga pulis na nabansagang laging huli sa pagresponde.