Abante Tonite Interactive

Poe kay Tugade: Boracay nalinis nang walang emergency power

0 661

Ginagawa lang umano ni Senador Grace Poe ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng paghimay sa panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang luma­lalang trapik sa Metro Manila.

Ginawa ni Poe ang pahayag kasunod ng sinabi ng Pangulo na wala siyang magawa sa matinding trapik dahil sa isang ‘atribida’ na kontra diumano sa pagbibigay sa kanya ng emergency po­wers.

“Hindi puwedeng magbibigay ka nang nakapikit lang ang mata mo. Kailangan ay talagang nakadilat ka at tinitingnan mo, ito iyong solusyon, ito rin ang safeguards,” pahayag naman ni Poe sa pana­yam ng DZMM kahapon.

“Kung atribida, kung ako nga ba iyon, ang masasabi ko lang pasensya na, trabaho ko ang ginagawa ko. Kung sa tingin nila may magandang solusyon, sa tingin ko responsibilidad nilang lahat na ihayag iyan,” dagdag ni Poe.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services noong Martes, muling igi­niit ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arturo Tugade na kailangan na ni Pangulong Duterte ng emergency powers upang malutas ang problema sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Subalit binara siya ni Poe sa pagsabing maraming magagawa ang gobyerno para masolusyunan ang problema sa trapik kahit wala ang emergency powers.

“Marami silang puwedeng nagawa na hindi pa nila nagagawa, hindi nila kaila­ngan ng emergency powers para madagdagan ang train, ‘yun palang mga train ng Dalian ni isa walang tumatakbo nang maayos. Hindi kailangan ng emergency powers para patakbuhin ‘yan,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services sa panayam ng mga reporter.

“Eh bakit ang Boracay wala namang emergency powers naayos nila agad dahil nagkaroon ng direktiba ang ating Pa­ngulo na dapat kumilos sila,” dagdag pa ng senadora. (Dindo Matining)