Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Poe kinalampag ang DTI sa mahal na tuyo, dilis

0 126

Sumipa sa 4.7 percent ang inflation noong Pebrero, pinakamataas sa nakalipas na dalawang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Pero sakto lang daw ito sa projection ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 4.3 hanggang 5.1 percent.

Sinisisi sa pagsirit ng inflation ang mataas na presyo ng karneng baboy na pumalo sa presyong P400 kada kilo kayat napilitan si Pangulong Rodrigo Duterte, base na rin sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DTI), na ipatupad ang price cap sa karneng baboy at manok epektibo Pebrero 8.

Pero kahit may price cap, marami pa rin sa mga palengke sa Metro Manila ang nagbebenta ng kasim at pigue na lagpas sa itinakdang P270 per kilo. Sa Parañaque, pumapalo na sa P330 ang kada kilo ng kasim.

Upang makatipid, marami sa kababayan natin ang bumibili na lang ng kalahating kilo o kaya ay ¼ lang ng laman ng baboy. Eh paano naman kasi, gustuhin man nilang bumili ng isda, mahal din ang presyo ng galunggong, bangus at maging mga ‘bulad’ o dried fish tulad ng tuyo at dilis.

Naaalarma na nga si Senadora Grace Poe dahil nakarating sa kanyang kaalaman na naglalaro na sa P300 hanggang P400 ang bawat kilo ng tuyo sa palengke at ang presyo naman ng dilis ay nasa P400 hanggang P600 ang kilo. Susmaryosep! Pati ba naman ang pagkain ng mga mahihirap, pang-mayaman na ang presyo.

SM food to go Banner Ad

“Yung mga kababayan nating mahihirap… nagtitiis na lang sa pagbili ng tingi pero ang masakit nito, tingi na nga lang ang mahal pa ang nabibili nilang tuyo at dilis sa bawat pakete ng maliit na plastic. Halos, ilang pirasong tuyo na lang at kakarampot na dilis ang laman nito,” pahayag pa ni Poe.

Sinabi pa ni Poe na napipilitan ang mga kababayan nating bumili ng tuyo at dilis na naka-plastic dahil ito ang kanilang nakakayanan. Sa halagang P20, limang pirasong tuyo ang mabibili, at ang dilis naman sa loob ng isang maliit na plastic ay P20 rin ang presyo.

Suspetsa ng senadora, malaki ang pinapatong ng mga negosyante sa kanilang itinitindang tuyo at dilis dahil mababa naman nilang nabibili ito ng wholesale sa mismong mga pamilihan o bagsakan ng dried fish tulad sa North Bay Boulevard sa Tondo, Maynila.

Ang wholesale ng tuyong salinas ay nasa P180 hanggang P200 ang kilo at ang tuyong galunggong ay nasa P160 ang kada kilo. Ang karaniwang dilis naman ay nasa P250 hanggang P270 ang kilo at ang first class ay nasa P350. Ang dulong naman ay nasa P400 ang bawat kilo.

Dahil dito ay nanawagan si Poe sa lokal na pamahalaan na agad gumawa ng aksyon at sugpuin ang pananamantala ng mga tiwaling negosyante. Kinalampag din ng senadora ang Department of Trade and Industry (DTI) na tila natutulog sa pansitan. Mahirap talagang gisingin ang mga taong nagtutulog-tulugan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.