Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Poe kinalampag ang PhilHealth sa hospital tent coverage

0 310

Nakapanlulumo kapag may nababasa tayong COVID-19 patient na namatay na hindi man lang na-admit sa ospital. Isa na dito ang sinapit ng singer na si Claire dela Fuente na namatay sa cardiac arrest habang nasa ER ng isang ospital sa Las Piñas City noong Marso 30.

Kuwento ng kanyang anak na si Gigo de Guzaman, may mild symptom si Claire kaya dinala siya sa ospital pero hindi ito na-admit dahil wala pang bakanteng kuwarto kaya nasa tent lamang ito. Inilipat ng ibang ospital ang singer pero hanggang ER lamang ito at doon na inabutan ng cardiac arrest na siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Hindi naikuwento ni Gigo kung magkano ang binayaran nila sa pamamalagi sa tent ng isang ospital at sa ER ng pinaglipatang ospital ng kanyang namayapang ina.

Sa isang public hearing ng Kamara, isiniwalat ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na naglalaro sa P1,000 kada oras ang singil sa pananatili sa tent ng ospital. Ang masaklap nito, ang bayarin sa tent at sa ER ng ospital ay hindi sakop ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Kaya naman agad na kinalampag ni Senadora Grace Poe ang PhilHealth na gumawa ng polisiya at guidelines upang kargahin ng state insurance firm ang gastos sa tent at ER ng isang COVID patient. Sabi ni Poe, masakit na nga sa kalooban ng pamilya na maghintay sa labas ng ospital, dagdag pasakit pa sa kanila na malaman na hindi pala sagot ng PhilHealth ang pamamalagi ng pasyente sa tent at ER.

SM food to go Banner Ad

“Hindi po ito maliit na bagay. Huwag naman po sana maging manhid,” apela ni Poe. Ayon sa senadora, hindi maaaring ikatuwiran ng PhilHealth na kapos sila sa pondo. Bilang government corporation, aniya, obligasyon nila na maghanap ng solusyon sa gitna ng kinakaharap nating health crisis.

Nanindigan pa si Poe na sa ilalim ng Section 6 ng Universal Healthcare Act, ang bawat Pilipino ay kailangang magkaroon ng access sa emergency healthcare services.

Sa panahon ng pandemya, sinabi ni Poe na may “social and moral obligation” ang PhilHealth sa mga miyembro at may mahalagang papel ito sa maayos na implementasyon ng UHC law.

Ang posisyon ni Poe ay suportado naman nina Senador Nancy Binay, Joel Villanueva, Juan Miguel “Migz” Zubiri, Sherwin Gatchalian at Sonny Angara.

Nagsalita na ang mga mambabatas. Sana naman ay pakinggan ito ng PhilHealth alang-alang sa mga kababayan nating tinamaan ng COVID at iba pang nagkasakit na kailangang ipasok sa ospital.

Leave A Reply

Your email address will not be published.