Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Poe may hugot kay Duque

0 78

Marami nang health minister sa abroad ang nagbitiw sa trabaho matapos na akusahang pumalpak sa paghawak sa COVID-19 pandemic. Ilan dito ay sina Rodolfo Farfan ng Ecuador, Rudolf Anschober ng Austria, Hassan al-Tamimi ng Iraq, Gines Gonzalez Garcia ng Argentina, Nazir Obeidat ng Jordan, Dr Pilar Mazzetti ng Peru, Marek Krají ng Slovakia, Khurelsukh Ukhnaa ng Mongolia, at iba pa.

Tinablan sila ng hiya kaya minabuti nilang magbitiw sa trabaho upang pumalit ang taong karapat-dapat na maging lider sa paglaban sa coronavirus sa kanilang bansa.

Dito sa Pilipinas, iba ang sitwasyon. Hindi lang mga politiko ang nananawagan na magbitiw na si Health Secretary Francisco Duque kundi pati na ang maraming healthcare worker sa bansa. Sabi ng iba, kapit-tuko ang kalihim. May iba namang nagsasabing sakalam o malakas daw ito kaya hindi matibag sa puwesto.

Kinuwestyon tuloy ni Senadora Grace Poe ang pambebeybi kay Duque kahit sangkatutak na ang sablay nito sa laban kontra pandemya. ‘Yung mga opisyal kasi ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) na nasangkot sa iregularidad, sinuspinde kaagad kasama ang limang opisyal ng DOH pero pagdating kay Duque, iba ang naging pagtrato.

“Despite numerous probes in the past, shouldn’t Secretary Duque be suspended by now if we are going to apply the same judgements as what happened to the PhilHealth execs?” tanong ni Poe.

SM food to go Banner Ad

“The fact that we can’t even go out of our homes—are we happy with what is happening? Are the medical frontliners happy with what is happening to them? Somebody must be held accountable,” sabi pa ni Poe sa isang pagdinig ng Senado.

Isinagawa ang pagdinig ng Senado dahil sa audit report ng Commission on Audit (COA) sa pinaggamitan ng DOH sa P67 bilyong COVID response fund noong 2020.

Dito umalingasaw ang baho sa tanggapan ni Duque na kahit maglagay ka ng biniling overpriced face mask ng DOH ay maaamoy mo ang kabulukan sa nasabing tanggapan.

Sabi pa ni Poe, habang palpak at may mga milagrong ginagawa sa tanggapan ng DOH ay patuloy ang pagdurusa ng taumbayan ngayong pandemya. “Inefficiencies in the midst of a health crisis make our people bear the brunt,” sabi ng senadora.

Ngayong higit sa 2 milyon na ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa at patuloy ang pagtaas ng aktibong kaso dahil sa mas nakahahawang Delta variant, panalangin at ibayong pag-iingat na lang ang maaaring gawin ng mga Pinoy dahil wala naman tayong maaasahan sa mga taong dapat tumutok at bumalangkas ng epektibong panlaban sa COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.