Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Poe nagluluksa sa pagpanaw ng inang si Susan Roces

0 125

Nagluluksa ngayon ang showbiz industry sa pagpanaw ng beteranang aktres na si Susan Roces. Siya ay 80 taong gulang. Kinumpirma ng kanyang anak na si Sen. Grace Poe ang malungkot na balita sa publiko noong Biyernes ng gabi, Mayo 20.

Bumaha sa social media ang mensahe ng maraming celebrity para makiramay sa pamilya ng naulila ng premyadong aktres. Magdidiwang sana ng kanyang ika-70 taon sa showbiz industry at ng kanyang ika-81 kaarawan sa Hulyo 28 si Roces na itinuturing na “Reyna ng Pelikulang Pilipino.”

“She lived life fully and gracefully. Remember her in her beauty, warmth and kindness. She is now with the Lord and her beloved Ronnie — FPJ,” bahagi ng pahayag ni Sen. Poe.

“We will miss her sorely but we celebrate a life well lived. Susan Roces — daughter, mother, grandmother, a true Filipina and a national treasure,” dagdag pa ng senadora.

Ang beteranang actress ay nabiyuda noong 2004 nang pumanaw ang kanyang asawang si Fernando Poe Jr., tinaguriang Da King o Hari ng Pelikulang Pilipino, matapos ang pagkatalo sa presidential elections nang taong iyon.

Nagsimula sa showbiz si Susan Roces bilang child actress noong 1952, sa pelikulang “Mga Bituin ng Kinabukasan” mula sa Nepomuceno Productions. Pero lubusang sumikat ito sa kanyang launching movie na “Boksingera” mula sa Sampaguita Pictures.

Mula noon ay sunod-sunod na ang pelikula ni Roces hanggang sa maghakot ng maraming acting award at ituring na icon ng Pelikulang Pilipino. Ang huling proyekto ng aktres ay sa telebisyon para sa “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan gumanap siya bilang Lola Flora.

Nitong Lunes, inaprobahan ng Senado ang Senate Resolution No. (SRN) 1002 upang ihayag ang pakikiramay sa pagpanaw ni Roces.

“Today we honor the life of a movie icon, a true Filipina, a national treasure. However, it has been said that the best speech delivered in occasions like this do not emanate from the speakers, but from the deed or the legacy of the person being honored,” wika ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa isang talumpati.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ngayon lang niya nalaman na magkababayan pala sila ni Roces dahil taga-Negros Occidental pala ito tulad ng pamilya Zubiri bago lumipat ng Bukidnon.

“As a matter of fact, I had a conversation yesterday with Mayor Alby Benitez and since I am helping him build the Bacolod City Hospital, we were thinking of naming a wing after Tita Susan Roces and that would be a fitting tribute to her ‘kababayans’ in Bacolod City,” saad ni Zubiri.

Leave A Reply

Your email address will not be published.