Abante Tonite Interactive

Poe sa ABS-CBN franchise: Ilabas ang katotohanan

496

Kailangang malaman natin ang katotohanan at kailangan marinig ito ng taumbayan.

Ito ang sinabi ni Sen. Grace Poe sa pagdinig ng committee on public services tungkol sa prangkisa ng iba’t ibang broadcast network, kasama na ang ABS-CBN.

“Binibigyang-diin natin na ang pagdinig na ito ay parte ng kapangyarihan ng Senado batay na rin sa nakasaad sa ating Konstitusyon na hindi naman taliwas sa mga naging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa hurisdiksyon sa pagdinig ng mga prangkisa at sabayang pagtalakay ng mga issue,” ani Poe.

“Bagama’t mas madalas nagmumula ang mga franchise bills sa Kongreso or sa House, hindi na rin bago na magkaroon ng sabayang pagdinig para sa mabilisang lehislasyon lalo na ang mga prayoridad ng presidente tulad ng budget at TRAIN Law,” pagdidiin ni Poe.

Tiwala si Poe sa kapangyarihan ng Senado na dinggin ang mga reso­lusyong inihain ukol sa ABS-CBN.

“Maraming gustong pumigil sa pagdinig na ito o kinukuwestyon ang pagdinig na ito, pero naninindigan ang Senado sa kapangyarihan nito bilang kapantay na sa­ngay ng gobyerno sa isang republika at demokrasya.

“Kailangan nating panatilihin ang balance at separation of powers,” pahayag ni Poe.

Inisa-isa ni Poe ang napakaraming prangkisa na nabigyan ng provisional authority ng NTC noon pagkatapos mapaso ang kanilang mga prangkisa.

Giit naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na paiiralin ng NTC ang ‘equity’ tulad ng ginawa nito sa mga nakaraang prangkisa.

Giit ni Poe na walang probisyon sa batas ng mga prangkisa patungkol sa pagbibigay ng provisional authority ng NTC para sa mga nasa proseso pa ng renewal ng prangkisa kung kaya’t dapat pairalin diumano ang ‘e­quity’ na siyang ikabubuti ng nakararami.