Abante Tonite Interactive

Poe sa MWC: Solusyunan ang problema sa tubig

282

Nanawagan si Senador Grace Poe sa Manila Water Co. Inc. (MWC) na solusyunan na ang problema sa water interruption dahil sa marami na ang umaaray sa kakulangan ng suplay ng tubig.

“Ako kasi, speaking from experience, dito sa lugar ko, kanina nga po, alas-kuwatro ng umaga ay maliligo sana ako, walang tubig. So kailangan po talaga siguro na magbigay ng solusyon,” diin ni Poe.

“Hindi lamang po ‘yung refund na P500 milyon na matatanggap ng ating mga subscriber, marinig rin natin mismo sa Manila Water na sa darating na mga araw ay magiging regular na po ang suplay ng tubig,” dagdag ng senador.

Binalaan din ni Poe ang Manila Water sa posibleng pagpapasa sa mga consumer ng kanilang multa at gastusin nila sa pagsasaayos ng water supply.

Ginawa ni Poe ang pahayag kasunod ng ipinataw na P1.13-billion na multa sa Manila Water dahil sa water supply shortage noong Marso. (Dang Samson-Garcia)