Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Poe sinita kabagalan sa national ID

0 170

Kapag kumuha ka ng driver’s license sa Land Transportation Office (LTO), aabutin ka ng halos kalahating araw bago mo makuha ang iyong lisensiya. Kung konti lang ang tao, mas maikli lang ang iyong paghihintay.

Pero sa National ID, hindi lang kalahating araw ang gugugulin mo bago makuha ang ID, paghihintayin ka ng higit sa isang taon.

Kung nagagawa ng LTO na mag-isyu ng ID sa parehong araw, bakit hindi ito magawa ng Philippine Statistics Authority (PSA)? Ano bang merong problema sa ahensiya?

Hindi lang mga ordinaryong tao ang nauubusan na ng pasensiya sa PSA, pati na ang ilang miyembro ng Senado.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services, dapat solusyunan ng pamahalaan ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID sa ating mga kababayan para mabigyan na sila ng katibayan ng pagkakakilanlan sa iisang card.

Sabi ni Sen. Poe, ang paghihintay nila ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang ID ay hindi katanggap-tanggap.

“Nagamit na sana nila ito bilang mapagkakatiwalaang katibayan sa pagkuha ng cash aid, fuel vouchers, benepisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong mahigpit nilang kinakailangan para makaraos sa gitna ng kahirapan,” ayon sa senadora.

Aniya, napadali na rin sana ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung hawak na nila ang National ID.

Sabi pa ni Poe, patuloy ang paghimok ng gobyerno sa publiko na kumuha ng National ID. Pero nang sumunod ang publiko, ang gobyerno naman ang nagkaroon ng pagkukulang sa public service.

“Sa kalahati ng populasyon na nakapagrehistro na para sa ID, malinaw na binigyan ng mga Filipino ng halaga at pagkakataon ang programa. Kaya’t nararapat lamang na tapatan ito ng gobyerno ng masigasig na paglilingkod sa pamamagitan ng agarang pagkakaloob ng card sa naghihintay nating mga kababayan,” giit ni Poe.

Sana naman, magawan na ng paraan ang mabilis na pag-iisyu ng National ID. Pero sa nababalitaan natin, mukhang malayo pang mangyari ito.

Pinaplano ng PSA na mag-release ng “printable version” ng National ID na maaaring ipa-print sa mga registration center ng ahensiya. Upang mahikayat ang publiko sa printable version, palalagyan din nila ito ng mobile ID na maaaring ma-accessed sa app.

Ang dami namang pakulo ng PSA, physical ID lang ang hinihingi sa kanila pero kung ano-ano pa ang kanilang pinag-iisipan.

Hindi na tuloy nakapagtataka na marami sa ating mga kababayan ang pumupunta na lamang sa Recto para makakuha ng pekeng ID.

Leave A Reply

Your email address will not be published.