Abante Tonite Interactive

POGO banta sa ‘Pinas, isara na

221

Hindi naman nakikinabang nang husto ang mga Pilipino sa paglago ng industriya ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa kaya mas mainam na ipasara na lamang ang mga ito.

Ito ang tahasang sinabi kahapon ni Senate Minority Leader Franklin nang matanong kung pabor ba siya sa pagkakaroon ng mga POGO sa bansa kasabay ng pagsabing nagiging banta na rin sa seguridad ng Pilipinas ang paglipana ng mga POGO na makikita malapit sa mga military camp.

Sabi ni Drilon pinagkakaitan ng mga POGO ng trabaho ang mga Pilipino at bagama’t hindi aniya mahusay magsalita ng wikang Mandarin ang mga manggagawa natin ay madali naman itong matututunan.

Nang matanong kung mas gugustuhin niyang ipasara na lamang ang mga POGO sa bansa ay sang-ayon dito si Drilon.

“I am open to that. I would like to think there is certainly great merit into looking at the possibility of closing down POGOs,” pahayag ni Drilon sa pa­nayam ng The Source ng CNN Philippines kahapon.

Ginawa ni Drilon ang pahayag kasabay ng kanyang pagsuporta sa panukala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ilayo sa mga miligary camp ang POGO hub.

“The security aspect is something that we cannot just brush aside. I cannot understand why we cannot have POGO locations farther away from military camps,” sabi ni Drilon.

Para naman kay Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, dapat ‘location specific’ ang pagbibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng lisensya sa gustong magtayo ng offshore online gaming sa bansa.

“Ito dapat nating alamin sa Philippine Gaming Corporation, sila ang nagbibigay ng PGO license. Dapat ang POGO license location specific, hindi lang siya dapat that I am allowing you to engage in offshore online ga­ming but you are also limited to certain area,” sabi ni Pimentel.

“Ilayo sa military bases, ilayo sa eskuwelahan, ilayo sa simbahan, ‘yung mga ganyang basic rules, ‘yung reasoning na ilayo sa military bases dahil baka may high-tech equipment na ginagamit,” dagdag pa ni Pimentel.(Dindo Matining)