Abante Tonite Interactive

POGO naglipana sa balwarte ni Cayetano sa BGC

514

Hindi maitago ni House Minority Floor Leader Bienvenido ‘Benny’ Abante ang pangamba sa mga naglipanang Chinese POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) hub na nag-o-operate sa loob ng Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City na balwarte ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa isang press conference, iginiit ni Abante na siya’y nangangamba dahil sa mga parang kabute na nagsulputang POGO hub sa palibot ng mga vital installations at kampo militar sa bansa.

Babala ni Abante, maaaring makompromiso ang pambansang seguridad lalo pa at ang mga POGO hub na nag-o-operate malapit sa mga military base katulad ng Fort Bonifacio, Camp Aguinaldo, at Villamor Airbase ay pinapatakbo ng mga Chinese national.

Paliwanag ni Abante, hindi bababa sa tatlong POGO hub ang nag-o-operate ngayon sa loob ng Bonifacio Global City na nasa gitna mismo ng Fort Bonifacio.

“In fact in BGC alone, there are three POGO hubs eh. In BGC nasa gitna ‘yan ng Fort Bonifacio eh. Alright? The thing is this? Sino ang nagbibigay ng work permit for them to come and work?” saad ni Abante.

Ang BGC ay 2.6 kilometro lamang ang layo mula sa punong tanggapan ng Philippine Army at 4.3 kilometro lang sa headquarters ng Philippine Marine Corps.

Una nang ibununyag ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho ‘Koko’ Nograles nitong Martes ang mga Chinese POGO hub sa bandang West McKinley at McKinley Hill na parehong nasa loob ng BGC.

Tinawag ni Nograles ang atensyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) matapos payagan ang mga Chinese-operated offshore gaming hub na makapagnegosyo malapit sa mga malalaking kampo militar. (JC Cahinhinan)