Abante Tonite Interactive

POGO nasa sabong na!

779

Kung dati ay pawang mga kli­yente sa abroad ang hawak ng Phi­lippine Offshore Gaming Operator (POGO) na naglipana sa Metro Manila at ilang karatig lugar, hindi na ngayon dahil pinasok na rin nito ang sabong na isa sa paboritong laro o sugal ng mga Pilipino.

Ito ang nadiskubre ng Natio­nal Bureau of Investigation-Special Action Service Unit (NBI-SAU) makaraang salakayin ang Sa­bong Universe sa loob ng Fernando Coliseum sa Mabalacat, Pampanga alinsunod sa hiling ng Phi­lippine Amusement and Gaming Corporation(Pagcor).

Ginaya sa offshore Chinese POGO ang Sabong Universe na pinapatakbo ng mga Pinoy kung saan mapapanood sa live stream sa ibang bansa ang labanan ng mga manok sa loob ng isang sabungan na kumpleto ng mga commentator at ang pustahan ay ginagawa online.

“This is the first time that a case against a Filipino owned POGO ope­ration is filed,” ayon kay NBI Special Agent Joel Otic.

Ginawa ang pagsalakay bunsod ng reklamo ng Pagcor laban sa Sa­bong Universe na nag-o-operate bilang POGO na walang lisensya sa ahensya. Labinglimang empleyadong Pilipino ang nahuling nag-o-operate ng live sabong.

Kasama sa mga inaresto ang tumatayong cameraman, IT support team na siyang mga kumukuha ng taya online at ilang commentator ng sabong. Inirekomanda ng NBI ang pagsasampa ng kaso sa mga nahuli dahil sa paglabag sa Illegal Gambling at Cybercrime Act. (Nancy Carvajal)