Abante Tonite Interactive

POGO sasakupin NCR

404

Nilalako ng isang real estate firm ang ‘Pogo-ready’ hub sa loob ng Bonifacio Global City (BGC) na malapit sa kampo ng militar sa Fort Bonifacio.

Ipinakita ng Collier’s International, isang Canadian–based real estate broker sa kanilang website ang 19 na mga property na ‘for lease’ o ipinapaupa sa Pilipinas na naka-disenyo para sa mga off-shore gaming hubs kasama ang isang lugar sa BGC na nasa loob ng Fort Bonifacio.

Ang tinutukoy na ‘Pogo-ready’ property sa Collier’s website ay ang High Street South Corporate Plaza Tower 1.

Ang nasabing lugar ay nasa kanto ng 9th Avenue at 26th Street na apat na kilometro lamang ang layo sa headquarters ng Philippine Army.

Kamakailan ay nagsampa si House Minority Leader Bienvenido ‘Benny’ Abante, at congressman ng Makabayan bloc ng hiwalay na resolution na nanawagan sa biglang paglobo at paglipana ng mga Pogo hub sa bansa na isang banta umano sa seguridad ng bansa.

Ayon sa kongresista, tatlong Pogo facility ang pinapatakbo ng mga Chinese national at nag-o-operate sa BGC premises.

Sa panig naman ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro, kinalampag nito ang atensyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa umano’y pagpapahintulot sa mga Chinese–operated offshore gaming hub na mag-operate malapit sa mga vital installation at mga high risk facility gaya ng mga kampo ng militar.

Tinatarget din umano ng POGO dahil sa maraming office space ang Insular Life building sa Ayala Avenue sa Makati.

Samantala, iniaalok din sa POGO ang 11-storey na DoubleDragon Plaza sa kanto ng Macapagal Avenue at EDSA Extension, sa may Bay Area sa Pasay City.

Ito ay pag-aari ng DoubleDragon Properties Corp, na bagong real estate company, kung saan tumatayong chairman si Edgar ‘Injap’ Sia II (founder ng Mang Inasal) at co-Chairman Tony Tan Caktiong (founder ng Jollibee).