Pogoy, TNT balik angas

Mga laro ngayon: (AUF Gym/Clark)
10am – Blackwater vs. Rain or Shine
1pm – Meralco vs. Terrafirma
4pm – Magnolia vs. NorthPort
6:45pm – Ginebra vs. SMB
Smart Clark Giga City – Ibinalik nina Jayson Castro at RR Pogoy sa win-column ang TNT, pinagdiskitahan ang Meralco 92-79 Sabado ng gabi sa Smart 5G-powered AUF gym sa Angeles City.
Naputol ang two-game skid, akyat ang Tropang Giga sa 7-3 at kumakapit sa second spot sa likod ng Ginebra (7-2).
Nagsalansan si Pogoy ng 27 points, 8 rebounds at 3 assists, nakatipon si Castro ng 24 points bago na-fouled out higit 4 minutes pa. May 17 points pa si Ray-Ray Parks.

Napigil sa 5-4 ang Bolts, binitbit ng 17 points ni Chris Newsome. May 14 points at 8 rebounds si Raymond Almazan. Nalamog sa points in the paint ang Meralco 52-32 at sa second-chance points 23-13.
Sa first game, sinimulan ni Paul Lee ang pagkalas ng Magnolia at siya rin ang tumapos nang magsimulang mag-rally ang Rain or Shine.
Umiskor ang veteran guard ng Magnolia ng 31 points kabilang ang clutch baskets na sumalag sa fightback ng Elasto Painters. Napreserba ng Hotshots ang 70-62 win, pang-apat na sunod na panalo tungo sa 5-4 slate at lumalapit sa top four finish na twice-to-beat sa quarters.
May 19 points na si Lee sa halftime, ikinalat pa niya ang 10 sa fourth. Mula 20-point deficit ay dumikit ang Painters 64-61 bago sinubuan ni Lee si Jio Jalalon, sinundan ng back-to-back baskets.
“We talked about grinding every game and we talked about playoff mentality,” ani Magnolia coach Chito Victoler. “We are on a do-or-die situation, we have to grind out every game.”
Nag-ambag ng 14 points si Ian Sangalang, kumalawit ng 11 rebounds si Rafi Reavis sa Hotshots.
Conference-low ng Rain or Shine ang 26 percent (21 of 80) field goal shooting. Ayon kay chief statistician Fidel Mangonon III ay 8th all-time din sa PBA at second all-time franchise-low ng Painters.
Laglag sa even 4-4 ang RoS, pinakamataas nang napiga ang 14 points kay Kris Rosales na may 12 sa third quarter.(VE)