Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pogoy, Tropang Giga lalasingin Beermen

0 104

Semis Game 7 ngayon: (DHVSU, Bacolor)

4:35pm – SMB vs TNT

(Series tied 3-3)

Pilit pag-aalabin ni Roger Rey (RR) Pogoy ang nanlamig nitong kamay para mabitbit ang top seed na TNT Tropang Giga sa inaasam nitong pagbabalik kampeonato sa pagsagupa sa naging limang beses nagkampeon na San Miguel Beermen sa matira-matibay na Game 7 ng PBA Philippine Cup ngayong gabi sa DHSU Gym sa Bacolor, Pampanga.

Asam ni Pogoy na makabalikwas sa anim na puntos at limang rebounds lamang sa loob ng 30 minutong paglalaro sa kanilang huling pakikipagsalpukan kontra sa Beermen kung saan ang matatalo ay magpapaalam sa ambisyong iuwi ang titulo at ang magwawagi ay uusad para sa korona kontra sa naghihintay na lamang na Magnolia Hotshots.

Sasandigan ng Tropang Giga ang nakasama ni Pogoy sa Gilas Pilipinas at dating Asia’s Best Guard na si Jayson Castro na nagtala ng 16 puntos na may tig-iisang rebound, assist at steal gayundin ang bihirang gamitin na si Ryan Reyes na nag-amag ng 16 puntos, 9 rebounds, 4 assists at 1 steal. May 11 puntos din si Poy Erram.

Gayunman, tulad sa ibang do-or-die, ang mas nagnanais na magwagi, agresibo at determinado sa pagitan ng Tropang Giga at Beermen sa ganap na 4:35 ng hapon na salpukan ang may tsansa itiklop ang serye.

Nagsalitan sa pagsungkit ng panalo sa All-Filipino semifinal series ang TNT na nagwagi sa Game 1, 3 at 5 habang namayani ang San Miguel sa pagtabla sa serye sa Game 2, 4 at 6.

Dikit lamang ang unang dalawang laro bago na lamang kapwa ibinuhos ng Tropang Giga ang lahat ng makakaya nito kontra sa Beermen habang nagagawa naman na bumalikwas ng huli sa pagsagot sa taktika ng kalaban.

Tanging abante lamang ng Beermen ay bitbit nito ang 4-of-4 record sa nasabakan na Game 7 na lahat ay nasa ilalim ng paggiya ni coach Leo Austria.

Uhaw naman ang Tropang Giga na muling makatuntong sa kampeonato na huling natikman nito habang nasa ilalim ng pagmamando ng nagbabalik nito na coach na si Chot Reyes. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.