Abante Tonite Interactive

Poker face ni Kobe

323

KAISA ang mundo ng poker sa pagdadalamhati sa biglaang pagkamatay ng basketball icon na si Kobe Bryant.

Kabilang sa mga nagpahayag ng kanilang pakikiramay sa pamamagitan ng social media sina 10-time World Series of Poker (WSOP) gold bracelet winner Doyle Brunson at two-time WSOP Player of the Year Daniel Negreanu.

Noong 2013 ay inimbitahan ng WSOP si Kobe na maglaro sa kanilang summer festival bilang pag-alala sa Los Angeles Lakers owner na si Jerry Buss na pumanaw noong Pebrero ng nasabing taon.

Regular player sa WSOP si Buss noong nabubuhay pa ito.
Injured nga lang si Kobe noon at pinayuhan ng kanyang doktor na huwag maglaro dahil makakaapekto sa kanyang recovery ang pag-upo ng matagal.

Pero pumunta pa rin si Kobe sa event at siya ang nagsabi ng “shuffle up and deal” para buksan ang Event #23, $2,500 Seven-Card Stud na paboritong variant ni Buss.

Ang “shuffle up and deal” ang tradisyunal na sinasabi sa pagsisimula ng mga poker event.
***
Isa sa mga retired player na nagbigay-pugay kay Kobe si Matt Barnes.
May video pa na ipinakita kung saan nakikipag­laro si Kobe ng basketball sa kambal na anak ni Barnes noong birthday ng mga bata.

Pero mas nakatatak sa isipan ng basketball fans ang pagkakataon na tinangkang sindakin ni Barnes si Kobe sa pamamagitan ng pag-amba na isasalampak sa mukha nito ang bola.

Masasabi natin na ang ginawa ni Barnes ay katumbas ng bluffing sa poker.
Pero ni hindi kumurap si Kobe kahit halos nasa mukha na niya ang bola na hawak ni Barnes.

Para sa inyong lingkod, iyon ang ultimate Kobe Bryant poker face.