Abante Tonite Interactive

Police force sa Maria, Siquijor babae lahat

272

Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado sa Siquijor ang kauna-unahang municipal police station na pinangangasiwaan ng mga babaeng police officer.

Ayon kay Police Regional 7 (Central Visayas) director PBGen. Debold Sinas, inilunsad ang all-female police station sa bayan ng Maria na pina­ngalanang “Mariang Pulis”.

Bahagi ito ng kampanya ng PNP para sa gender equality para isulong ang women empowerment sa lahat ng unit at mga tanggapan ng pulisya sa buong rehiyon.

Itinalaga bilang pinuno ng ‘Marian­g Pulis’ si Capt. Judith Besas.

Bago ang paglulunsad ng all-female police station ay nasa anim na policewoman lang ang miyembro ng Maria Police Station.

Si Siquijor Police Provincial Office director Col. Angela Rejano ang nag-profile sa mga babaeng pulis na itinalaga sa nasabing himpilan at isasailalim sa pagsasanay.

Ayon kay Rejano, kanilang sinanay ang mga babaeng pulis sa pagmamaneho, pagbaril, mga pamamaraan ng pag-aaresto at iba pang police ope­ration katulad ng pagmamando ng checkpoint, automated fingerprint identification system at first aid.

Sa ngayon aniya, nasa 21 na ang police force ng Maria na tama lamang para sa isang Class C municipality.

Nauna rito ay nag-deploy naman ang PNP Highway Patrol Group ng isang special unit na binubuo ng mga babaeng motorcycle rider para tumulong sa pagmamando ng trapiko sa EDSA. (PNA)