Abante Tonite Interactive

Police officer sa pot session sinibak

By
10

Pormal nang sinibak sa serbisyo si Supt. Lito Cabamongan, ang da­ting hepe ng PNP Crime Laboratory satellite office sa Muntinlupa na naaktuhang nagpa-pot session noong Marso 30 sa Las Piñas City.

Nilagdaan na ni Phi­lippine National Police (PNP) chief Director Ge­neral Ronald dela Rosa ang dismissal order ni Cabamongan, epektibo noong Setyembre 1.

Ayon kay Dela Rosa, maaaring maghain ng motion for reconsideration si Cabamongan, pero iginiit ng chief PNP na hindi na ito makababalik sa serbisyo.

“Mag-appeal siya kung gusto niya, pero malabo na mapagbigyan ang appeal niya. Hangga’t ako ang nakaupo.

Napakabigat masyado no’n, kaya dismissed siya,” pahayag ni Dela Rosa.
“No sacred cows sa PNP, kahit na opisyal ka, kahit superintendent ka, if you are into drugs, kung meron kang ginawang hindi maganda, madi-dismiss ka talaga,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Noong Marso 30 nang maaktuhan si Caba­mongan na nagsa-shabu kasama ang isang Nedy Sabdao sa Talon Kuatro, Las Piñas City.

Sa pag-aresto rito, nagpositibo rin ito sa drug test na agad kinasuhan ng administrative at criminal charges dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.