Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Politika etsapuwersa sa kalamidad

0 119

Tatlong bagyo sa isang buwan ang inabot ng bansa kaya lugmok talaga ang ating mga kababayan at gobyerno dahil sa kaliwa’t kanang pagtulong na ginagawa sa mga apektado nating mga kababayan.

Sa katunayan ay hindi pa nakakabangon sa pinsalang hatid ng bagyong Rolly ang mga kababayan nating sa Bicol region ay muli silang sinalanta ng bagyong Ulysses.

Napakaraming pininsala ng bagyong Ulysses at kahit nakalabas na ito ng bansa ay matinding perwisyo ang kanyang idinulot.

Daanlibong kababayan natin ang nasira ang mga ari-arian at mga kinabubuhay.

Ang lalawigan ng Cagayan, Tuguegarao at Isabela ay hindi pa natutulungan na dumanaras ngayon ng matinding pinsala dahil sa malawakang pagbaha na hatid ng pag-apaw naman mula sa mga dam na nagpakawala ng tubig na epekto rin ng bagyong Ulysses.

Dahil sa sunud-sunod na dagok na ito wala akong nakikitang dahilan para pag-usapan ang mga politika sa mga panahong ito.

Ang pinakamabuti ay magtulungan. Gumawa ng sarili nating kaparaanan kung papaano tayo makatulong sa mga kababayan nating apektado ng mga nagdaang bagyo.

Kaya sana sa gitna ng mga problemang kinakaharap ng bansa ay isantabi na muna ng ilang politikong ang pamumulitika gaya na lamang ng isyu sa palakasan na konektado sa Southeast Asian Games noong 2009.

Sa totoo lang sa dami ng SEA Games na ating natunghayan sa mga nakaraan, puro sisihan ang nangyari dahil bibihira tayo magtagumpay.Ang malupit pa sandamakmak na mga opisyal ang sumasama kaya ang pondong dapat sa mga atleta ay nasasakripisyo.

Kaya nitong 2019 kung saan ay nag-host tayo sa SEA Games hindi ba’t malaki itong tagumpay. Andami nating naipanalong laro at worth it talaga ang pag-host natin at paglalaan ng pondo ng gobyerno para rito.

Actually bonus na lang ang pagkakatayo ng sports facility na pang world class dahil magagamit natin ito sa hinaharap.Ang malungkot lang ay pinaiiral ang politika ng ilang nasa larangan ng sports.

Malinaw ang posisyon ng PHISGOC. Walang silang tinatago sa publiko. Handa nilang patunayan na tama ang kanilang pinag-gastusan at walang nasayang ng pondo ng gobyerno.

Kaya para sa mga nag-iingay at pilit naghahanap ng isyung mababato sa SEA games at mga nag-organisa nito, tigilan na ninyo ang pamumulitika sa sports.

Wala akong nakikitang dahilan para sirain ang magandang nakamit ng SEA games at mga proyektong nasimulan para sa mga atleta at kabataang Pilipino.

Hindi ba’t sama-sama tayong nagbunyi dahil sa tagumpay ng pagdaraos ng SEA games sa ating bansa at pagiging kampeon ng ating mga atleta sa naturang sports kompetisyon matapos ang labing-apat na taon.

Sabagay, mukhang totoo ang usap-usapan na may gusto lamang bumalik sa kapangyarihan at ibalik ang walang kwentang pamamalakad, pangit na sistema at lideratong walang direksyon kaya ganito ang pang-iintrigang ibinabato sa larangan ng sports.

Tama na dahil hindi ganitong liderato ang magbibigay ng inspirasyon sa ating mga atletang Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.