Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pondo ng mga health worker sa Quezon saan napunta?

0 42

Nakakalungkot marinig ang balitang nire-recycle ng mga health worker sa Quezon ang kanilang Personal Protective Equipment (PPE).

Nakakapagtaka na bakit umabot ito sa puntong parang namamalimos na ang mga medical frontliner ng PPE gayong kayang-kaya naman itong ibigay ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon.

May pondo sila para diyan at hindi pwedeng idahilang wala. Kaya palaisipan ito kung saan napunta ang pondong inilaan ng Sangguniang Panlalawigan para sa pasweldo at mga pangangailangan ng mga health workers sa probinsya.

Taon-taon na naglalaan ang lalawigan ng Quezon ng alokasyon hindi lamang pasweldo sa mga health workers kundi maging sa lahat ng namamasukan ng regular at kontraktuwal sa nasabing probinsya.

Bukod diyan, sapat din ang pondong inilaan ng pamahalaang panlalawigan sa paggastos sa lahat ng medical equipment na ginagamit para mapagilan ang ang pagkalat ng COVID-19.

Sa deliberasyon ng 2021 badget, natuklasan ni Bokal Sonny Ubana, majority floor leader at pito pang board members ng Sangguniang Panlalawigan na binawasan ng pronvincial government ang badget para sa mga hospital ng mahigit 20 porsiyento.

Ito’y sa kabila ng mismong deklarasyon ni Gov. Danny Suarez na pagtutuunan ng pansin ang paghatid serbisyo sa mga mamamayan para maiwasan ang paglala ng COVID-19 infection sa lalawigan.

Ayon kay Ubana, hindi ito ang naging tugon ng badget ng lalawigan. Bagkus, maraming items sa budget ang inilaan para sa pagpapagawa ng mga kalsada, at basketball courts na di tugma sa pangangailangan ng mga taga-Quezon.

Sa panayam ng Dos por Dos sa DZRH, sinabi ni Ubana na walang naiba sa pagkakagastusan ngayon sa lalawigan sa ilalim ng tinatawag na re-enacted budget. Tuloy tuloy dapat ang pasweldo sa mga empleyado ng kapitolyo, lalo na ang mga frontliners tulad ng mga health workers.

Kailangan tanungin ngayon sa ama ng lalawigan— nasasaan ang pondong inilaan para sa mga pangangailangan ng mga health workers. Huwag naman sanang ipitin dahil kaawa-awa naman ang ating mga health worker na nagbubuwis ng buhay sa gitna ng giyera kontra pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.