Abante Tonite Interactive

Popovich naninghal, Spurs walang depensa

348

Ayaw pumasok ng unang walong tira ni Jamal Murray pero nagliyab sa fourth nang ilista ang 21 sa kanyang 24 points para giyahan ang Denver sa 114-105 panalo kontra San Antonio Martes ng gabi.

Ibinuhol ng Nuggets sa tig-isang laro ang Western Confe­rence first round playoffs.

Natabunan pa ang Denver 78-59 sa dulo ng third quarter bago isinara ang laro sa nakakangilong 55-27 run.

“We gave up 38 points (39) in the fourth quarter. End of story,” singhal ni Spurs coach Gregg Popovich, na-technical sa kasagsagan ng Nuggets comeback.

Hindi inisip ni Denver coach Michael Malone na ibangko si Murray kahit inaalat, ayaw niyang masira ang kompiyansa ng player. Kinausap niya lang ito sa halftime na mag-relax at magtiwala na papasok din ang mga tira.
Si Murray din ang nasisi sa talo sa Game 1 nang sumablay ang open jumper at nawalan ng bola sa closing seconds.

Sa sumunod na laro, 8 of 9 siya sa fourth.

Lipat ng San Antonio ang series para sa Game 3 sa Biyernes (araw sa Manila). Hindi pa nananalo ang Nuggets sa teritoryo ng Spurs sapul noong 2012.

Nagdagdag si Paul Millsap ng 20 para sa Denver, pinaglaruan ni Nikola Jokic ang triple-double sa 21 points, 13 rebounds at 8 assists.

Humugot ang Spurs ng 31 points mula kay DeMar DeRozan, 24 kay LaMarcus Aldridge at 17 kay Derrick White.

Ibinaba ng Nuggets ang hinahabol sa pito papasok ng fourth, itinabla ng jumper ni Murray sa kalagitnaan ng period. (VE)