Abante Tonite Interactive

Pork? Alan umaming may tig-P500M bawat Cong

209

Inamin ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano nitong Miyerkoles na ang bawat congressional district ay makakatanggap ng tinatayang P500 milyong halaga ng proyekto sa ilalim ng panukalang P4.1 trillion national budget sa 2020.

“Ang pinakamaliit kapag pinagsama mo ah? DepEd (Department of Edu­cation), DPWH (Department of Public Works and Highways), Department of Agriculture lalabas almost P500 million per district ‘di ba?” saad ni Ca­yetano sa DZMM interview.

May basehan, aniya, ang paglobo ng alokasyon sa bawat congressional district dahil sa lumaki rin sa P4 trilyon ang proposed National Expenditure Prog­ram (NEP) para sa susunod na taon.

“Dahil nga ang laki na ng budget eh, 4.1 trillion eh,” ani ni Cayetano.
Agad namang nilinaw ni Cayetano na hindi maituturing na pork barrel fund ito dahil sa kinopya lang nila ito sa formula ng ‘institutional amendment’ na ginawa ng mga senador sa nakaraang budget deliberation.

Karamihan umano sa mga proyekto ay pasok sa ‘Build, Build, Build’ prog­ram ng DPWH at Department of Transportation.

“Pinakiusapan namin ang mga congressman na mag-institutional muna tayo which usually the Senate does. So nga­yon, ‘pag dating sa Senate we’re waiting for ‘yung institutional nila,” paliwa­nag ni Cayetano.

“Pinakiusapan namin ang mga congressman ngayon tutal lumaki na ng husto ang pondo bawat distrito naman may ‘Build, Build, Build’ kahit mas maliit ‘’yung iba, malaki ‘yung iba, ma­laki pa rin eh,” dagdag pa niya. (JC Cahinhinan)