Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pork’ para sa eleksyon

0 83

Nang tinalakay sa Kongreso ang pambansang budget noong nakaraang taon, nilantad at binatikos ng mga kinatawan ng Makabayan ang Php 16.4 billion na lumpsum na pondo na nilaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa tinaguriang Barangay Development ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Sa ilalim ng programang ito, makapamamahagi ang NTF ng P20 milyon sa mahigit 800 “cleared barangays.”

Ito ang mga barangay na idedeklarang nabawi na umano ng gobyerno mula sa impluwensya ng CPP-NPA. Tinawag itong “general’s pork” sapagkat ang mga retiradong heneral na namumuno sa NTF ang magpapasya kung aling mga barangay ang mabibiyayaan ng dagdag na pondo.

Higit pa, walang pinag-iba sa tradisyonal na “pork barrel” ng mga mambabatas ang listahan o “menu” ng mga proyekto na maaaring pondohan ng programang ito, tulad ng mga farm-to-market road, livelihood project, hanggang sa medical, burial, transportation, at iba pang cash assistance. Sa madaling sabi, mga panakip-butas at pansamantalang ayuda sa halip ng mga programang magbibiga ng pangmatagalang lunas sa kahirapan.

Lumaganap ang panawagan para sa pagtanggal ng pondong ito ng NTF at paglipat sa ibang mga ahensya at programang higit na kailangan ng mamamayan laluna sa kasalukuyang panahon ng pandemya. Sa halip ng counterinsurgency, kapos ang pondo o hindi tinutugunan ng administrasyon ang pagbibigay ng bakuna, ayuda, benepisyo ng mga frontline workers, ligtas na balik-paaralan, at marami pang iba.

Sa kabila nito, inaprubahan pa rin ng Kongreso ang bilyon-bilyong pondo ng NTF-ELCAC para sa kasalukuyang taon. Hindi sorpresa para sa marami na pinakamalaking parte ang nakuha ng Davao City (P1.6 billion) at Davao Region (P4.3 billion).

Sa panukalang badyet ni Pang. Duterte para sa susunod na taon, halos doble ang inilaki ng pondong hinihingi niya para sa Barangay Development program.

Lumobo ito sa P28.1 bilyon at aabot sa 1,406 barangay ang maaambunan ng biyaya. Kapansin-pansin na hindi na “cleared barangays” ang pamantayan na gamitin ng NTF para tukuyin kung aling barangay ang kanyang aambunan ng P20 milyon, kundi ang mas maluwag na “conflict-affected barangays.”

Sa ibang salita, mas madaling mailusot ang pamumudmod, lalupa’t isasagawa ito sa 2022, taon ng pambansang halalan. Sapagkat walang dudang ang Php 16.4 bilyong pondo para sa 2021 at P28.1 bilyon para sa 2022 ng Barangay Development Program ay bahagi ng kabang pandigma ng administrasyong Duterte para ipanalo si Sara at ang kanyang slate at matiyak na patuloy na makapaghahari ang dinastiyang Duterte sa susunod pang anim na taon.

Ngunit tila hindi pa sila kuntento sa mga pondong nabanggit. Nasilip ng mga kinatawan ng Makabayan ang isang bagong-likhang lumpsum na isiningit sa panukalang 2022 budget. Ito ang P10 bilyong Growth Equity Fund, na gagamitin umano para sa mga maliitang infrastructure project ng mga mahirap na barangay.

Ginamit na dahilan ng administrasyon ang pagpapatupad ng Mandanas ruling at higit na devolution ng mga batayang serbisyong panlipunan. Sa likod ng mga mapalamuting salita, isa na naman itong dambuhalang pork barrel para sa pangangampanya. Suma total, aabot na sa P54.5 bilyon ang natutukoy nating pondo ng publiko na gagamitin ng administrasyon para sa pangangampanya at pamumulitika sa panahon ng eleksyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.