Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pork’ sa panahon ng pandemya

0 71

Isang tampok na katangian ng panukalang PhP 4.5 trilyon pambansang badyet para sa 2021 na isinumite ni Pang. Duterte sa Kongreso ang pambihirang dami at laki ng mga pondong maituturing na “pork barrel” na nakapaloob dito.

“Pork barrel,” o simpleng “pork” ang naging katawagan sa mga pondong lump sum sa badyet ng mga ahensiya ng gubyerno na walang detalyadong paliwanag kung paano ito gugugulin. Dahil dito, may kapangyarihan ang pinuno ng ahensiya na magpasya sa paggamit ng pondo. Sa kasaysayan, pinagmumulan ng malalang katiwalian ang ganitong kalakaran. Tinatayang nasa PhP 10 bilyon ang kinurakot sa pamamagitan ng “pork barrel scam” na pinangunahan ni Janet Lim-Napoles, kasabwat ng maraming mga kongresista at senador, kung saan ginamit ang Priority Development Assistance Fund, isang tipo ng pondong lump sum, upang pondohan ang mga pekeng livelihood project para umano sa mahirap.

Ipinagbawal ng Supreme Court ang PDAF noong 2013, at ipinagbawal din sa pangkalahatan ang pagpaloob ng mga pondong lump sum sa pambansang badyet. Sa ngalan ng transparency, itinakda ng Korte na, hangga’t maaari, natutukoy sa mga line item ang bawat programa at proyekto na paglalaanan ng bawat sentimo ng pambansang badyet. Halimbawa, kung pondo para sa pagpapaayos ng kalsada, kailangang makita sa badyet ang eksaktong halaga ng proyekto, aling kalsada at kung saang bayan, at ilang kilometro ang sasaklawin. Mula nang lumabas ang naturang desisyon ng Supreme Court, may pagsisikap ang Malacanang na magsumite ng detalyadong badyet, laluna para sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Hindi ganyan ang nangyari ngayon. Puno ng mga lump sum na walang kalakip na detalye ang panukalang pambansang badyet para sa 2021 na inihain ni Pang. Duterte sa Kongreso. Pawang mga lump sum ang 60% ng panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (o PhP397.22 bilyon ng kabuuang PhP666.47 bilyon). Walang duda na masasaksihan natin sa mga darating na linggo ang mangyayaring bangayan ng mga opisyal ng Malacanang, mga senador, at kongresista tungkol sa hatian ng naturang badyet ng DPWH para sa mga kalsada, tulay, flood control project, at ibang proyekto na maaaring abusihin at pagkakitaan ng ilan.

Hindi etsa-puwera ang mga paborito sa pagpapamudmod ng pork sa panukalang 2021 badyet. Sa unang pagkakataon, may sariling pork barrel ang mga heneral ng pulis at militar, sa anyo ng PhP 16.44 bilyon Barangay Development Program na kontrolado ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ito ang grupong nangunguna sa madugong gera laban sa mga armadong rebolusyonaryo ng CPP-NPA at maging sa mga ligal at di armadong aktibista. Maaaring maglaan ang mga retiradong heneral ng NTF na sina Esperon, Lorenzana, at Ano ng mga proyektong nagkakahalagang hanggang PhP20 milyon sa mga barangay na “nalinis” umano at wala na sa impluwensiya ng mga rebelde.

Hindi mahihiwalay ang sistemang pork barrel sa katiwalian at abuso. Sa kalagitnaan ng pandemya, pinili ni Pang. Duterte na ibuhos ang pondo ng taumbayan sa pork barrel ng mga politiko at heneral, sa halip na direktang ilaan ito sa mga programa at serbisyong direktang tutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mamamayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.