Abante Tonite Interactive

Pork virus sa Bulacan, Rizal inalerto ng Taiwan

296

Pinaiimbestiga­han na ng Department of Agriculture (DA) ang ulat na may mga kaso na ng tinamaan ng African Swine Fever (ASF) sa mga babuyan sa lalawigan ng Bulacan at Rizal.

Ito’y matapos luma­bas ang ulat na nagpatupad ng paghihigpit ang pamahalaan ng Taiwan sa bagahe ng mga pasaherong manggagaling sa Pilipinas dahil na rin sa napaulat na ASF outbreak sa mga naturang lalawigan na hindi umano ini-report ng mga awtoridad sa World Organization for Animal Health.

Nabatid na kinukumpirma na nga­yon ng Bureau of Ani­mal Industry (BAI) ang naturang ulat hinggil sa pagkakaroon ng ASF virus sa mga babuyan sa Bulacan at Rizal.

Ipinatupad ng Taiwan ang paghihigpit bilang pag-iingat matapos i-report ng Central Emergency Operation Center (CEOC), isang ahensya ng Taiwan na naatasang i-monitor ang mga emergency si­tuation sa nasabing te­ritoryo.

Binanggit sa ulat na ang mga kaso ng pork virus ay nadiskubre sa Bulacan at Rizal at sinabing hindi ito ini-report ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Nabatid na ipinatupad ng Taiwan ang paghihigpit sa bagahe ng mga pasaherong galing Pilipinas sa mga paliparan at iba pang port of entry.

Ayon pa sa ulat, ang Pilipinas ang pinakahuling naitala sa listahan ng mga high-risk area para sa ASF ng mga awtoridad ng Taiwan kasunod ang China,
Hong Kong, Macau, Vietnam, Laos, Cambodia, Myanmar, Thailand, North at South Korea at Russia.

Sa kabila ito ng ipi­natupad na pork ban ng DA para mapigilang makapasok sa Pilipinas ang mga karneng galing sa mga bansang may ASF outbreak. (Mina Aquino)