Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Positive vibes lumalaganap sa PNP

0 136

May positibong epekto sa kapulisan ang magandang pagtitimon ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen Guillermo Eleazar. Kitang-kita yan sa gumagandang performance ng ating mga pulis.

Hindi natin maiisa-isa at mababanggit lahat ang mga positibong ginagawa ng ating kapulisan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kasalukuyan pero ipinapakita nito na inspirado ang ating mga pulis at pagalingan na ngayon ang labanan. Tunay na pagseserbisyo ang malinaw na nangingibabaw.

Si Patrolman Mark Angelo C Maspat, driver na nakatalaga sa Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB 3) na binuhat ang isang lalaking nakita nitong gumagapang para lamang makapila sa BARANGAYanihan Ayuda ng 301st Maneuver Company sa Dumagat Tribe sa Sitio Karahume, Brgy. San Isidro, San Jose Del Monte City, Bulacan. Nilapitan ni Pat Maspat ang lalaki sa pag-aakalang natumba lamang ito pero sinabi ng lalaki na isa siyang lumpo at gustong pumila para makahingi ng relief goods. Pinasan ni Pat Maspat sa kanyang likuran ang lalaki at ipinila hanggang sa makakuha ito ng ayuda. Inihatid din ni Pat Maspat sa bahay ang lalaki na pinabaunan din ng RMFB3 ng dagdag na relief good para naman sa matandang ina nito. Ang lalaki ay kabilang sa 100 benepisyaryong Dumagat Tribe natulungan ng RMFB3.

Habang si PSSg Bernard A Dalisay, patroller ng Capas Police Station sa Tarlac ay nakapulot ng bag na may lamang P79,000 habang nagpapatrulya sa Capas Public Market. Agad hinanap ni PSSg Dalisay ang may-ari ng bag at naisoli ito sa isang Aeta vendor na residente ng Barangay Sta Juliana, Capas, Tarlac.

Ang mga miyembro naman ng San Jose Del Monte Police Station sa pamumuno ni PLtCol Julius Alvaro ay tumulong sa Integrated Philippine Association of Optometrist-Bulacan Chapter sa idinaos na “Operation Sagip Paningin” na nagbigay ng libreng eye check-up sa lahat ng barangay secretaries at libreng eye glasses sa 4 less-fortunate eco-warriors ng bawat barangay na umabot sa kabuuang 300 benepisyaryo.

Samantala, habang nagsasagawa ng coastal clear-up sa Barangay Paysawan sa Bagac, Bataan ay hindi nagdalawang-isip sina PCpl Gideon B Maneja at PCpl Alkirth G Neuda sa pagtulong sa isang mangingisda para mabuhat at mailipat sa mas ligtas na lugar ang kanyang bangka.

Sariling sikap naman ang ginawa ni Pat Bryan Jayson G Darapiza ng Olongapo City Police Office na namigay ng mga assorted goods gamit ang sarili niyang pera upang matulungan ang isang matandang scavenger.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Matapos namang magpositibo sa COVID-19 at malagpasan ang paghihirap na dinanas sa coronavirus, si PLT Allan M. Lopez, Deputy Chief of Police for Operation ng Gabaldon Police Station, ay nag-donate ng kanyang plasma sa JBL Convalescent Plasma Center ng San Fernando, Pampanga. Naniniwala si PLT Lopez na makakatulong ito para sa mga tulad niyang nagpositibo sa COVID-19.

Saksi ang social media sa mga kapuri-puring pagtulong na ginagawa ngayon ng mga pulis sa mga nangangailangan nating kababayan. At sa tingin namin ang lahat ng mga positibong vibes na ito ay nagmumula sa positibo ring halimbawang ipinakikita ng kanilang lider—si PGen Eleazar.

Madalas nating naririnig ang kawikaan na “kung ano ang puno siya ang bunga” kaya kung makikita ng mga pulis na abusado, mapagmalabis at kunsintidor ang kanyang hepe ay tiyak na ganun din ang kanilang gagawin.

Nakikita naman natin na hindi kinukunsinti ni PGen Eleazar ang mga bulok na pulis at sa tuwing may gumagawa ng mali ay mabilis pa sa alas-kuwatrong isinusulong ang pagdismis sa mga ito sa serbisyo at agad-agad ding sinasampahan ng kaukulang kaso sa korte.

Kapag may gumagawa naman ng kabutihan, binibigyan ito ng pagkilala ng PNP chief at kung kaya ding puntahan ay personal pa ang ginagawa nitong pasasalamat sa pulis. Pagkaupo pa lamang ni PGen Eleazar bilang PNP chief ay sinabi na nitong itataguyod niya ang sistemang “reward the good, punish the bad” sa ilalim ng kanyang liderato.

Kahit naman sa loob ng bahay, ang tamang pagpapalaki ng anak ay kailangang balanse— pinupuna at itinatama ang mali habang kinikilala at binibigyan ng reward ang tama. Nakikita nating ganito ang ginagawa ni PGen Eleazar. Tamang pormula, tamang timpla ng pagtitimon sa kapulisan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.