Abante Tonite Interactive

Pot session sa bus terminal

By
567

Inaresto sa anti-illegal drugs operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na empleyado ng isang bus company sa natu­rang lungsod matapos makumpirmang nagbebenta ang mga ito ng iligal na droga sa kanilang mga kasamahang drayber at konduktor.

Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang mga suspek na sina Gilberto Brien, 38-anyos, dispatcher ng RMB bus company; Rodolfo Pantillas, 42, at Federico Italia, 63, mga konduktor; at ang drayber na si Joseph Bautista, 42.

Base sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang QCPD-Station 8 sa Pro­ject 4 at unang naaresto si Brien dakong alas-tres ng hapon noong Sabado sa 15th Avenue corner Del Pilar St., Brgy. San Roque, Cubao.

Kasunod na naaresto ang mga kasamang konduktor na sina Pantillas at Italia at ang drayber na si Bautista habang gumagamit umano ng shabu sa garahe ng kanilang bus terminal sa Brgy. San Roque, ­dakong alas-kuwatro ng hapon.

Ayon sa impormante, matagal na umanong ginagawa ng mga empleyado ng nasabing bus company ang mag-pot session muna bago bumiyahe at kaya niya ini-report ito ay upang masigurong ligtas ang mga pasahero ng mga ito sa kanilang paglalakbay.

Nabatid na ang nasabing konduktor din umano ang nagsusuplay ng droga sa mga kasamahan nila na nais maging alerto at gising sa kanilang mahabang biyahe.

Nakumpiska sa mga suspek ang dala­wang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia katulad ng aluminum foil at disposable lighter at nabawi rin ang buy-bust money.