Abante Tonite Interactive

Power failure ay leadership failure

300

Joel Reyes Zobel

Sa Pilipinas daw, dalawang klase lang ang kandidato sa politika, kandidatong nanalo at kandidatong nadadaya.

Nabura lamang ang paniwalang ‘yan nang manalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Mahirap daw dayain dahil anim na milyon ang lamang sa pinakamalapit na kalaban.

Nalalagay na naman sa kuwestiyon ang maaaring maging resulta ng eleksiyon, hindi kasi matiyak ng DOE na magiging sapat at hindi madadaya ang eleksiyon. Hindi raw nila ka­yang tiyakin na magiging sapat ang supply sa May 14, araw na nagpapatuloy ang transmission ng boto.

Mas madali na raw ang dayaan ngayon. Kung nu’ng dati, kakailanganin mo ng guns, goons and gold para agawin ang balota, ngayon daw mas madali. Mga hacker na kailangan mo para ma-intercept ang transmission ng boto.
Malinis, mas matipid, mas mabilis. Wala pang anumang hayag na palatandaan ng pandaraya. Kaya kung ang diperensiya ay dikitan, puwede natin itong pagdudahan. Dapat ang lamang ay tambakan para mahirap kalikutin.

Nakatanggap po ako ng text sa isang nagpakilalang taga-power sector. Hindi daw nila sinasadya ang mga pagpalya ng planta. Ikalulugi daw nila ito kasi kumikita lamang sila kapag umaandar ang planta. ‘Pag naka-shutdown, walang kita. May katwiran naman. Pero posible din naman talaga ang sabwatan dahil pagkamanipis ang supply, mataas ang posibilidad na tumaas ang presyo ng bentahan sa WESM. So kung anuman ang ikinalugi mo sa shutdown, mababawi mo rin, at baka kumita ka pa ‘pag tumaas ang bentahan.

Baka naman daw puwedeng bantayan ng gobyerno ang ganitong pagsasamantala. Baka naman puwedeng gumawa ng paraan ang gobyerno para hindi mapagsamantalahan ang sitwasyon.

Ang mga politiko natin ay nagpapa­kasasa sa sitwasyong ganito. Umuunlad sila sa ganitong sitwasyon. Manipis ang kuryente, walang tubig, mataas na presyo ng langis, they thrive on this kinds of situation. Sa ganyan paraan sila nananalo sa eleksiyon. Ang power failure ay human failure. Ang power failure ay leadership failure.