Abante Tonite Interactive

Power franchise ng MORE hinarang ng korte

By
156

Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Mandalu­yong City Regional Trial Court (RTC) Branch 209 laban sa pagtake-over ng MORE Electric Power Corporation sa operas­yon ng Panay Electric Company Inc. (PECO) sa Iloilo City.

Sa limang pahinang kautusan ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio, pinigilan ng korte ang pagpapatupad ng prangkisa ng MORE sa ilalim ng Republic Act No. 11212 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na buwan.
Partikular na pinigil ng TRO ang pagsisimula ng mga expropriation proceeding laban sa PECO at ang pag-takeover ng MORE sa mga distribution asset ng PECO sa franchise area.

Pinigilan din nito ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa pag-iisyu ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN), provisional authority to operate o alinmang permit o lisensya para sa operasyon ng MORE.

Epektibo ang TRO sa loob ng 20 araw. Itinakda ng korte ang pagdinig sa Abril 2, 2019 para sa plea for issuance of writ of preliminary injunction na hiniling ng PECO.

Sa petisyon ng PECO, kinuwestiyon nito ang ligalidad ng prangkisa ng MORE matapos na malabag umano ang kanilang karapatan sa due process nang ilipat sa kompanya ni Razon ang prangkisa nila nang hindi man lang hiningi ang kanilang panig.

Pagkontrol umano ito ng gobyerno sa kanilang asset para kilingan ang isang pribadong kompanya at hindi para sa interes ng publiko.