Abante Tonite Interactive

Power grid ng ‘Pinas kokontrolin ng China?

216

Nagpahayag ng kanilang pangamba ang ilang opisyal ng gobyerno gayundin ang mga mambabatas sa posibleng pagkontrol ng China sa nag-iisang power grid ng bansa.

Kayang-kaya raw kasi ng China na pata­yin ang daloy ng kuryente sa Pilipinas sa pamamagitan ng remote control lang.

Tanong tuloy ng mga ka-Abante, talaga bang may ganito nang teknolohiya na puwedeng patayin ang ating kur­yente remotely o kahit nasa ibang bansa? Ang sagot: Meron po dahil ginagawa na ito sa ibang bansa.

Bakit nga ganoon na lang ang pangamba ng ilan sa isyung ito? Simple lang naman ang sagot. Halos 40% lang naman ang pagmamay-ari ng State Grid Corp. ng China sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Dapat maintindihan ng ating mga kababa­yan na iisa lang ang transmission line sa buong Pilipinas na nagta-transmit ng kuryente mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao. Kaya’t mahalaga itong transmission line na ito dahil nga nag-iisa lang ito.

Sabi ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate energy committee, itong makabagong teknolohiya na ganito ay ginagamit hindi lang ng China kundi ng iba pang mga transmission corporation dahil nga ang bansa ay napaka­lawak at kakailanganin ng remote control o remote system para makontrol ang mga ganitong transmission line.

Dapat nating bigyan-diin na napakaha­laga nitong transmission line dahil iisa lang ito at kung may hindi gagawa ng maganda, lahat tayo ay mawawalan ng kuryente.

Nakakatakot, nakakaalarma ‘di po ba? Kaya mahalagang ma­laman kung ano ang ginagawang hakbang ng ating pamahalaan para hindi ito mangyari at kung meron tayong safeguards para rito. Ito po iyong mga mekanismo para maprotektahan ang interes nating mga Pilipino, ng ating bansa.

Sa mga pagdinig sa Senado, natuklasan na hindi pala na-au-audit itong NGCP. Hindi raw kasi makapasok ang kawani ng Department of Energy (DOE) sa NGCP para mag-inspeksiyon at mag-audit doon.

Kung hindi magsasagawa ng pagsusuri ang DOE sa transmission line hindi mala­laman kung ano ang mga nakakabit diyan. Eh mandato naman ng DOE na magsagawa ng malalimang audit, technical at iba pa para malaman natin na walang banta sa ating bansa.

Plano ng Senado na siyasatin ang epekto sa national security ng 40% na pag-aari ng China sa nag-iisang power line ng bansa.

Ito’y matapos mabun­yag sa budget deliberation sa Senado na binago ang system instruction sa salitang Chinese ang ilang bahagi ng NGCP system at pinayagan pa ang mga Chinese national na mag-operate ng mga makina.

Pero labag umano ito sa NGCP contract dahil malinaw na nakasaad doon na mga Pinoy lamang ang dapat payagang makapag-operate ng mga makina at ang mga Chinese stakehol­der naman ay para lang sa technical assistance.

Maganda na rin na imbestigahan na ito ng Senado para malaman kung may mga mekanismo para maprotektahan ang ating mga interes. Napakahalaga na ang pangunahing interes natin ay proteksyunan ang ating mga kababa­yan at pangalawa na lang dapat ang pagnenegosyo.

Abangan na lang natin ang kahihinatnan ng imbestigasyon ng Senado hinggil dito.